Curry, napinsala ang paa, 'di pa alam kung kailan ang balik
- BULGAR
- Mar 19, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 19, 2022

Maaaring hindi muna maglalaro si Stephen Curry sa nalalabing 12 laro ng Golden State Warriors matapos mapilay ang kaliwang paa noong isang araw sa 88-110 na pagkatalo sa bisitang Boston Celtics. Walang katiyakan kung kailan makakabalik ang All-Star subalit umaasa ang Warriors na papayagan siya ng doktor sa simula ng Western Conference playoffs ngayong Abril.
Dinaganan si Curry ni Marcus Smart na may 4 na minuto pa sa 2nd quarter kaya napilitang umupo at hindi na bumalik. Lamang ang Celtics, 33-25, at nagtala ng 3 puntos lang si Curry sa 14 minuto ng aksyon.
Ayon sa pagsusuri, sobrang sumakit ang kanyang paa subalit walang nakitang pinsala sa ugat. Sa kasalukuyang NBA, 2-4 panalo-talo ang Golden State sa anim na beses lumiban si Curry sa 70 laro upang magpahinga o may kaunting karamdaman.
Sisikapin ngayon ng Warriors na takpan ang nawalang 25.5 puntos ni Curry bawat laro. May kartadang 47-23 ang Golden State na pangatlo sa Western Conference at kailangang manalo ng anim sa huling 12 laro upang makasiguro sa playoffs at iwasan ang delikadong Play-In Tournament.
Sa nag-iisang laro kahapon sa Amway Center, wagi ang bisitang Detroit Pistons sa Orlando Magic, 134-120. Nagtala ng bagong personal na markang 51 puntos mula sa 10 three-points si Saddiq Bey upang itulak ang Pistons sa kanilang ika-19 na panalo sa 70 laro habang nanatili sa pinakailalim ng Eastern Conference ang Magic sa 18-53.
Binuksan ng Orlando ang laro, 9-0, at iyan ang hudyat para kay Bey na gumawa ng 21 puntos buhat sa apat na tres sa first quarter pa lamang subalit abante pa rin ang Orlando, 39-37. Winasak ng dunk ni Isaiah Stewart ang huling tabla na may pitong minuto pa sa second quarter, 52-50, at mula doon ay walang nakapigil sa arangkada ng Pistons na lumobo sa 113-96 ang lamang sa huling 10 minuto.




Comments