top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Curry, Butler, James, Jokic, namumuno pa rin

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 13, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 13, 2021





Bumida muli ang mainit na kamay ni Stephen Curry sa 111-105 tagumpay ng Golden State Warriors sa bisitang Orlando Magic. Pinasok ni Curry ang 40 puntos at nag-ambag ng 21 puntos si Andrew Wiggins para sa kartadang 14-12.


Sa iba pang laro, bumabalik na sa porma ang Miami Heat at naitala ang ika-apat na sunod na panalo kontra sa Houston Rockets, 101-94, sa pagpapatuloy ng aksyon sa NBA kahapon mula sa Toyota Center. Matapos umabot ng Finals noong 2020, pinaghalong init at lamig ang laro ng Heat ni kabayan Coach Erik Spoelstra ngayon para sa kartadang 11-14 at ika-siyam na pwesto sa Eastern Conference. Bumida si Jimmy Butler sa 27 puntos.


Ipinantay ng Indiana Pacers ang kartada sa 13-13 matapos talunin ang Detroit Pistons, 111-95, at panatilihin ang Pistons sa pinakailalim ng Eastern Conference sa 6-19. Bumanat ng todo si Domantas Sabonis para sa 26 puntos. Nakauwi na ang Boston Celtics sa kanilang tahanan at agad iniligpit ang bisitang Toronto Raptors, 120-106.


Samantala, si LeBron James ng defending champion Los Angeles Lakers ang bagong numero uno sa pagtatapos ng pangalawang bilangan ng boto para sa 2021 NBA All-Stars. Mayroon siyang 4,369,533 boto mula sa mga tagahanga upang pangunahan ang lahat ng manlalaro at lampasan ang dating numero uno na si Kevin Durant ng Brooklyn Nets na may 4,234,433 boto.


Pumapangalawa ang forward at sentro ng Western Conference sina Nikola Jokic ng Nuggets (3,006,981), Kawhi Leonard ng Clippers (2,462,621) at kapwa-Lakers Anthony Davis (2,329,371). Si Durant pa rin ang numero uno sa Eastcon kung saan hinahabol siya nina MVP Giannis Antetokounmpo ng Bucks (3,282,478), Joel Embiid ng 76ers (3,022,105) at Jayson Tatum ng Celtics (1,680,780).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page