Curry, bagong hari ng 3 points sa NBA
- BULGAR
- Dec 16, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 16, 2021

May bago nang hari ng three-points sa NBA sa katauhan ni Stephen Curry ng Golden State Warriors. Gumawa si Curry ng kasaysayan sa kanilang 105-96 tagumpay sa New York Knicks sa Madison Square Garden kahapon at tumibay ang estado bilang numero unong koponan ng liga.
Unang bitaw pa lang ay shoot agad ang tres na tumabla sa marka na hawak ng alamat na si Ray Allen na 2,973 na kabilang sa mga nanood. Nakuha ni Curry ang karangalan matapos ang kanyang pangalawang tres galing sa assist ni Andrew Wiggins na nagpalamang sa Warriors, 12-10, at 7:33 ang nalalabi sa first quarter.
Pansamantalang itinigil ang laro at kasama si Allen sa mga nagbigay-pugay kay Curry.
Ang pangatlong may pinakamaraming tres na si Reggie Miller (2,560) ay naroon din bilang sportscaster sa telebisyon.
Pumukol pa ng tatlong tres si Curry para magtapos na kabuuang 22 puntos at umangat sa 23-5 panalo-talo. Sinundan siya nina Jordan Poole na may 19 puntos at Andrew Wiggins na may 18 puntos. “He has revolutionized the way the game is played and continues to leave fans in awe with his amazing artistry and extraordinary shooting ability,” wika ni NBA Commissioner Adam Silver. Sa mga aktibo pang manlalaro, si James Harden ng Brooklyn Nets ang susunod na pinakamaraming three-points na 2,509.
Hindi naglaro dahil sa health protocol si Harden sa pagwagi ng Nets sa Toronto Raptors sa overtime, 131-129, sa likod ng triple double ni Kevin Durant na 34 puntos, 13 rebound at 11 assist. Ipinasok ni Patty Mills ang isang free throw na may 3.3 segundo sa orasan at nagmintis ang tres ni rookie Scottie Barnes sabay sa huling busina.
Eksaktong walong manlalaro ang dumating para sa Nets, ang kailangan upang matuloy ang laban. Maliban kay Harden, nasa health protocol na rin ang mga kakamping sina LaMarcus Aldridge, Paul Millsap, DeAndre Bembry, Jevon Carter at James Johnson.




Comments