Crossovers, humarurot; B'Elite at Pier, agawan sa 4th
- BULGAR
- Oct 12, 2022
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | October 12, 2022

Mabilis na sinagasaan ng humaharurot na Chery Tiggo Crossovers ang bagahe ng nagbabalik na F2 Logistics Cargo Movers sa bisa ng pangwawalis rito sa 25-23, 25-21, 25-22 upang maagang makuha ang buwenamanong panalo sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Matindi ang pinaghugutang determinasyon at motibasyon ng Crossovers sa dalawang magkasunod na masaklap na komperensiya matapos makuha ang 8th place sa Open at Invitational Conference. Kaya’t maaaninag ang matinding determinasyon kasunod ng kampeonato sa 2021 Open Conference na pinangunahan ng magkapatid na Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat.
Kumawala ang dating national team member na si Mylene Paat ng 16 puntos mula sa lahat ng atake, habang naging mabisang playmaker si Jasmine Nabor sa 13 excellent sets at 3 puntos.
Samantala, maghihiwalay ng landas ang Blackwater Bossing at Northport Batang Pier upang makuha ang solo 4th place sa pagpapatuloy ng aksyon at bakbakan sa 2022 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nais sundan ng Blackwater ang malaking paninilat kontra Philippine Cup titlist na San Miguel Beer sa bisa ng 109-106. Subalit aminado si coach Ariel Vanguardia na hindi basta maliitin ang kakayanan ng Northport na paniguradong magbabawi mula sa malaking pagkatalo sa TNT Tropang Giga sa 93-117.
“Malakas ang NorthPort and coming off a loss so mas dangerous sila,” bulalas ni Vanguardia, na nagawang payukuin ang Phoenix Super LPG at Meralco Bolts, habang nalusutan lamang ng matibay na Bay Area Dragon sa 104-105 pagkatalo. “Before that (TNT) game they could have been 3-0, kasi nga na-tsambahan lang sila ng Bay Area. And we know how we were embarrassed by Bay Area,” paliwanag ni Vanguardia na kanilang makakaharap ang Northport sa unang laro ng 3 p.m, kasunod ng sagupaan ng NLEX at unbeaten Hotshots.





Comments