Cranberry juice, makatutulong para makaiwas sa UTI
- BULGAR
- Jul 7
- 2 min read
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | July 7, 2025
Photo: FP
Dear Doc Erwin,
Regular akong nagbabasa BULGAR newspaper at ng inyong column na Sabi ni Doc. Bukod na ito’y nakakatulong sa aking kalusugan ay ibinabahagi ninyo ang mga bagong kaalaman tungkol sa mga mga natural na pagkain at kung paano ito nakakagaling o paano ito ginagamit para makaiwas sa sakit.
Ako ay isang maybahay at mahigit 35 ang edad. Madalas akong may urinary tract infection (UTI). Dahil dito ay madalas akong nagkokonsulta sa aking doktor at uminom ng antibiotic upang malunasan ang aking infection.
Nabasa ko sa isang magazine na maaaring makatulong ang cranberry juice upang makaiwas sa UTI. May mga scientific research na ba tungkol sa cranberry juice at epekto nito sa UTI? Epektibo kaya ang cranberry juice upang makaiwas sa UTI? Nawa’y mabigyan niyo ng pansin ang aking mga katanungan. Maraming salamat po. — Josephine
Maraming salamat Josephine sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
May mga health benefits ang regular na pag-inom ng cranberry juice ayon sa mga pag-aaral. Isa na rito ang significant na pagbaba ng diastolic blood pressure. Ito ang resulta ng pag-aaral na inilathala sa journal na Nutrients noong July 29, 2021. Pinangunahan ni Dr. Chesney Richter ng Department of Nutritional Sciences ng University of Arizona ang pag-aaral na ito.
Bukod sa epekto ng cranberry juice sa pagbaba ng blood pressure ay nakakatulong din ito sa ating digestive health sa pamamagitan ng pag-inhibit ng pagdami H. pylori bacteria sa ating sikmura. Ang H. pylori bacteria ay maaaring maging sanhi ng pagsakit ng tiyan, bloating, at ulcer.
Nakakatulong din ang cranberry juice upang maiwasan ang pagkasira ng ngipin (tooth decay), gum disease at oral cancer. Naniniwala ang mga dalubhasa na ito ay dahil sa a-type proanthocyanidins na isa sa mga sangkap ng cranberry juice.
Ang a-type proanthocyanidins din ang pinaniniwalaan ng mga health experts na makakatulong upang makaiwas sa UTI. Dahil ito sa kakayanan ng a-type proanthocyanidins na pigilan ang pagkapit ng E. coli bacteria sa urinary bladder.
Ang E. coli bacteria ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng UTI. Pinatunayan ito sa research study ng mga scientists mula sa State University of New Jersey Marucci Center for Blueberry and Cranberry Research and Extension. Maaaring basahin ang kabuuan ng research na ito sa journal na British Medical Journal Infectious Diseases na na-publish noong April 14, 2010.
Ang nabanggit na study ay isa lamang sa mga pag-aaral na nagpapatunay na tumutulong ang cranberry juice at sangkap nito na a-type proanthocyanidins upang maiwasan ang pagkakaroon ng UTI. Tandaan lamang na hindi epektibo ang cranberry juice kung mayroon ng sakit na UTI. Makakatulong lamang ito sa pag-iwas sa sakit na UTI.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y patuloy na makaiwas kayo sa anumang sakit at mas bumuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments