COVID Pandemic, game over!
@Editorial | June 30, 2023
Irerekomenda na ni Health Secretary Ted Herbosa sa Malacañang na tanggalin na ang COVID-19 public health emergency dahil hindi na umano ito matinding banta sa kalusugan sa ngayon.
Ani Herbosa, kaya nang gamutin ang COVID gaya ng ibang ordinaryong sakit tulad ng ubo, lagnat at sipon kaya wala nang maituturing na emergency.
Matatandaang idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang state of public health emergency sa pag-uumpisa ng pandemya noong Marso 2020 upang pakilusin ang nasyonal at lokal na pamahalaan at gumawa ng mga programa at inisyatibo para maprotektahan ang publiko laban sa nakahahawang sakit.
Sa ilalim ng Proclamation 922, mananatili ito hanggang hindi inaalis ng Presidente ng bansa.
Nabatid na magkaiba ang COVID-19 state of public health emergency at state of calamity na napaso na sa pagtatapos ng Disyembre 2022.
Ang state of calamity ay nakatuon sa regulasyon ng COVID vaccines, clearance ng mga gamot kontra virus at pagpapanatili na mababa ang presyo ng mga ito.
Nakapaloob din dito ang emergency procurement ng pamahalaan, tax exemptions sa mga donors, pagkontrol sa presyo ng mga gamot at testing kits at iba pa.
Samantala, sa kabila ng panukala na wakasan na ang state of emergency, nilinaw ni Herbosa na mananatili pa rin ang alert level system sa bansa.
Kailangan na nating umusad at harapin ang takot na idinulot ng COVID. Dapat ay natuto na tayong mamuhay sa gitna ng banta nito sa pamamagitan ng pag-iingat at common sense.
Alagaan natin ang sarili hindi lang laban sa COVID kundi maging sa iba pang sakit.
Panahon na para tuluyang lumaya sa COVID pandemic at harapin ang iba pang hamon tulad ng kahirapan.



Comments