COVID cases, tumataas na naman; Mga negosyo, ‘di dapat magpabaya!
ni Ryan Sison - @Boses | June 15, 2022
Hindi maitatangging biglang tumaas ang bilang ng hawahan ng COVID-19 sa bansa.
Marahil, dahil ‘yan sa kaliwa’t kanang superspreader events tulad ng halalan kung saan libu-libong mga tagasuporta ang dumadalo sa mga campaign rallies, gayundin, sa pagsulpot ng mas nakahahawang Omicron variant sa bansa.
Dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19, kung saan karamihan ay mula sa Metro Manila, kani-kanyang diskarte na ang ilang mga negosyante para mapangalagaan ang kanilang hanapbuhay dahil kapag tumaas pa ang hawahan, apektado na naman sila.
Ang iba, bantay-sarado sa pagpapatupad ng health protocols sa mga establisimyento — tinitiyak na nasusunod ang social distancing, gayundin, kung nakasuot ng face mask ang mga customer.
Gayunman, kung may mga nakahandang magpatupad ng karagdagang pag-iingat, ang iba naman ay dedma pa rin sa mga health protocols.
Matatandaang pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang 100% capacity sa mga indoor establishments o mass gathering, ngunit kinakailangang magpakita ng patunay na fully vaccinated ang mga customer bago makapasok.
Pero sa totoo lang, ‘di nasusunod ang panuntunang ito. Kapansin-pansin kasing masyado nang kampante ang ilang establisimyento tulad ng mga restoran, kung saan hindi na hinahanap ang mga vaccination card. Ang siste, tanggap lang nang tanggap ng customer hangga’t kayang tanggapin ng kanilang establisimyento.
Idagdag pa ang mga bar na nagiging superspreader at ‘pag lasing na ang mga customer, tuluy-tuloy na ang pagpapabaya.
Sa totoo lang, nakakadismaya dahil tila mas importante pang kumita kesa sa kaligtasan ng mga customer. Dahil ‘pag naghigpit, mababawasan ang kanilang kita. ‘Ika nga, pera-pera.
Kaya naman, hinihikayat natin ang publiko na ‘wag isawalang-bahala ang pagpapabaya ng mga negosyante. At hindi porke hindi hinahanapan ng vaccination card ay hahayaan na lang natin.
Alam natin ang mga dapat at ‘di dapat gawin. Kung tutuusin, hindi na kailangang ipaalala dahil matagal na itong ipinatutupad.
Pakiusap naman sa mga establisimyento, maging patas kayo. Kung gusto n’yong protektahan ang inyong mga customer, sumunod kayo sa mga health protocols.
At paalala sa lahat, nauunawaan nating hindi mandatory ang COVID-19 vaccine, pero bilang pag-iingat, magkusa tayong sumunod sa mga ipinautupad.
Hindi dapat isnabin ang mga hakbang na ito dahil kailangan nating seryosohin ang sitwasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments