COVID allowance ng health workers, ‘wag nang paabutin sa susunod na SONA
@Editorial | July 26, 2023
Sa wakas, ibibigay na ang matagal nang ipinapanawagan na COVID health emergency allowance at iba pang mga nakabinbing benepisyo para sa mga healthcare worker.
Ito ay matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na panahon na para maibigay ang mga nararapat na benepisyo sa mga medical personnel na nagsakripisyo noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Kahit sa pamamagitan lamang nito ay masuklian ang naging sakripisyo ng mga health workers sa pribado at pampublikong ospital.
Ito ang isa sa maraming isyu na matagal na nating sinusubaybayan at inilalathala bilang tulong na rin sa mga health workers na halos nagpoprotesta na para sa halagang hindi naman nila basta hinihingi kundi kanilang pinagtrabahuhan, dugo't pawis ang isinakripisyo.
Ngayong sinabi na ng Pangulo na ilalabas na ang kabayaran para sa mga health workers, wala na sigurong dahilan para ma-delay ito.
Sa mga ahensya na sumasaklaw sa usaping ito, galaw-galaw na. Ibigay na ang dapat ibigay, huwag na sanang paabutin pa sa susunod na SONA. Huwag nating pagmukhaing sirang plaka ang Presidente na paulit-ulit sa mga pangako at hindi naman matutupad.



Comments