COVID-19 vaccine sa mga manggagawa, tulong din sa ekonomiya
ni Ryan Sison - @Boses | June 01, 2021
Higit 5 milyong Pilipino na ang naturukan ng COVID-19 vaccine sa iba’t ibang vaccination centers sa bansa.
Sa naturang bilang, nasa higit 1 milyon na ang nakakumpleto ng ikalawang dose ng bakuna o “fully vaccinated”. Kabilang na ang 1.4 milyon o 93% ng heath workers, kung saan 664,000 ang nakakumpleto ng dalawang dose.
Sa pagpapatuloy ng vaccination program, kasado na ang pagbabakuna sa 35.5 milyong manggagawa kung saan prayoridad ng pamahalaan ang mga nasa edad 40 pataas sa ilalim ng A4 group ngayong buwan.
Paliwanag ni Health Undersecretary Leopoldo Vega, uunahin nila ang nakatatanda sa “working class” dahil mas mataas ang pagiging vulnerable ng mga ito sa COVID-19.
Sa kasalukuyan, minamadali na ang pagbabakuna sa A1, A2 at A3 groups habang naghahanda na sa A4 group, ngunit ngayong Hunyo, maaari pa ring isabay ang mga naunang grupo na bibigyan ng special lane sa vaccination sites habang ilalarga na ang A4 groups sa bakunahan.
Karamihan sa mga bakuna ay inilaan na sa mga itinuturing na high-risk areas tulad ng NCR Plus Bubble.
Habang sigurado nang aarangkada ang pagbabakuna sa ating mga manggagawa, dapat nating matiyak na walang magiging aberya. Kumbaga, dapat handa na ang mga manggagawang tuturukan dahil kung may bakuna nga para sa kanila, kung hindi rin naman papayag na magpaturok, tengga lang ang bakuna.
Samantala, kailangang mabigyan ng sapat na proteksiyon kontra COVID-19 ang mga manggagawa dahil hindi lamang sila ang maililigtas kundi pati ang kanilang pamilya.
Isa pa, kung mas maraming manggagawa ang mabalukunahan, tuluy-tuloy din ang paggalaw ng ekonomiya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments