top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

COVID-19 vaccine, pinaglaanan ng pondo ng Metro Manila mayors

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 13, 2020
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 13, 2020


Habang papalapit nang magkaroon ng COVID-19 vaccine sa bansa, pinatitiyak na hindi mabibitin ang budget para rito nang sa gayun ay maturukan ang 60% hanggang 70% mamamayan na target ng gobyerno.


Gayunman, dumidiskarte na ang mga alkalde sa Metro Manila para makabili ng doses ng COVID-19 vaccine para sa kanilang mamamayan.


Unang naglaan ng P250 million ang Lungsod ng Maynila para sa pagbili ng bakuna kapag mayroon nang go-signal ang national government. Gayundin, sinabi ng alkalde na nais nilang makatulong sa nasyonal na pamahalaan para masolusyunan ang pagbawas ng kaso ng COVID-19.


Sa Lungsod naman ng Quezon, mayroon namang P1 billion na inilaan sa 2021 budget para sa bakuna sa Quezon City at ayon sa alkalde, ang pondo ay para sa kasiguraduhan na mababakunahan ang mamamayan ng kanilang lungsod.


Mayroon namang P50 million na inilaan ang San Juan City government para sa vaccination program at paliwanag ng alkalde, isang back-up na pondo ang nasabing halaga sakaling kapusin ang national government.


Samantala, umaabot naman sa P100 milyon ang inilaan sa kanilang 2021 national budget ang Muntinlupa at P250 million na pondo ang lungsod ng Parañaque.


Nakatutuwa na mayroong inisyatibo ang mga lokal na pamahalaan para matiyak na makatatanggap ng bakuna kontra COVID-19 ang kanilang mamamayan.


‘Ika nga, kung may kakayahan namang tumulong sa gobyerno, gawin na para hindi tayo naghihintay lang ng kautusan mula sa mga nakatataas.


Gayunman, dapat nating matiyak na mapupunta ito sa mga karapat-dapat at hindi sa bulsa ng kung sino lang.


Buwan ang binilang bago nagkaroon ng bakuna kontra COVID-19 at ngayong kaunting tiyaga na lang ay mapupunta na ito sa ‘Pinas, ngayon pa lang ay tiyakin nating sapat at mapupunta sa karapat-dapat ang bakunang gagastusan ng ating gobyerno.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page