COVID-19 vaccination program, dapat tuloy-tuloy lang!
ni Ryan Sison - @Boses | December 22, 2021
Sa kabila ng pinsala na idinulot ng Bagyong Odette, nilinaw ng pamahalaan na nananatili sa 54 milyon ang target na mabakunahan kontra COVID-19 bago matapos ang taon.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, ito ay kahit 39 local government units ang nag-postpone ng kanilang COVID-19 vaccination drive dahil sa hagupit ni ‘Odette’. Dagdag pa nito, nagkasundo sila na ipagpatuloy ang COVID-19 vaccination hanggang Disyembre 23 at muling babalik sa Disyembre 27 hanggang 30 para maabot ang target na 54 milyong Pilipino na fully vaccinated kontra COVID-19 bago ang bagong taon.
Sa kanilang tantiya, nasa 21 milyon ang nakatakdang magpabakuna ng second dose.
Pero anuman ang dumating, ‘ika nga, hindi tayo dapat magpatinag at anuman ang plano at mga programa ng gobyerno kontra pandemya, dapat tuluy-tuloy pa rin.
‘Yun nga lang, may mga karagdagang hamon, pero kayang-kaya ‘yan kung magtutulungan ang nasyunal at lokal na pamahalaan.
Ngunit ang tanong, kakayanin bang magbakuna kahit matatandaang may mga bakunang nasayang dahil naapektuhan ng bagyo? Isa pa, pahirapan ang suplay ng kuryente, na dahilan para manganib ang iba pang suplay ng bakuna.
Samantala, kailangan din natin ang kooperasyon ng taumbayan, lalo pa’t ngayon ay nasa 100 milyong doses na ang naiturok.
Gayundin, panawagan pa natin sa mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang panghihikayat sa kanilang mamamayan na magpabakuna.
Nakita na natin ang mabuting epekto ng COVID-19 vaccine, at ‘yan ay ang pagbaba ng bilang ng naitatalang hawahan araw-araw.
Isa pa, wala tayong ibang gusto kundi salubungin ang bagong taon nang ligtas, kaya pakiusap sa ating mga kababayan, magpabakuna hangga’t patuloy ang national vaccination program.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments