top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

COVID-19 vaccination para sa edad 5 hanggang 11, start sa Feb. 4

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 31, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | January 31, 2022



“Tuloy na tuloy na ang ating pagbabakuna ng mga edad 5 hanggang 11 kasi nakita natin na parating na ang ating mga produkto at tinatawag nating vaccine special formulation sa 5 to 11.”


Ito ang sinabi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez, kung saan magsisimula ang rollout ng bakuna ngayong Pebrero 4 at ayon pa sa opisyal, inaasahang darating ngayong linggo ang Pfizer doses.


May 10 micrograms lang ang kada dose para sa mga edad 5 hanggang 11, kumpara sa 30 micrograms na dose para sa mga 12-anyos pataas.


Samantala, magsisimula ang pagbabakuna sa Metro Manila. Mayroong 24 vaccination sites para sa naturang age group at target itong palawagin sa ibang rehiyon pagkatapos ng isang linggo.


Pagkatapos ng dalawang doses, plano rin aniya ng pamahalaan na magbigay ng booster shots para sa mga bata.


Base sa datos ng gobyerno, higit 59.9 milyong Pilipino ang nakatanggap ng first dose habang 57.8 milyon na ang fully vaccinated. Nasa 6.6 milyon naman ang mayroon nang booster dose.


Magandang balita para sa mga magulang na nais nang mabakunahan ang kanilang anak kontra COVID-19.


Kung magiging matagumpay ang pagbabakuna sa naturang age group, tiyak na mas magiging ligtas ang pagpapalawig ng face-to-face classes, gayung mas maraming grade levels na ang papayagang makalahok sa pinalawig na pilot run nito.


Pero siyempre, kasabay nito ang ibayong pag-iingat, hindi lamang para sa sarili kundi para sa kaligtasan ng nakararami.


Ngunit tulad ng inaasahan, marami pang mga magulang na nagdadalawang-isip kung pababakunahan ang kanilang mga anak. Marahil, natatakot sa side effects o may ibang paniniwala sa bakuna.


Gayunman, tandaan na hindi ito sapilitan at kung may pangamba, ‘wag matakot na hingin ang payo ng mga eksperto. Nand’yan lang sila at handang magbigay ng kaalaman tungkol sa bakuna.


Sa susunod na linggo, nawa’y maging maayos at ligtas ang pagbabakuna sa mga mas batang Pilipino.


Hangad nating mabigyan ng sapat na proteksiyon ang bawat isa laban sa malalang epekto ng COVID-19.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page