COVID-19 surge pagtapos ng halalan, dapat agapan
ni Ryan Sison - @Boses | April 3, 2022
Habang abala ang mga lokal at nasyonal na kandidato sa pangangampanya, nagbigay-babala ang isang infectious health expert sa posibleng panibagong COVID-19 surge pagkatapos ng halalan.
Giit ng eksperto, matatawag na ‘super spreader event’ ang halalan dahil bukod aniya sa pagsisiksikan ng mga tao sa polling precincts sa mismong araw, malaking bagay din ang humihinang immunity ng populasyon, lalo na ang mga hindi pa nagpapa-booster shot.
Gayundin, kasama pa umano ang mas maluwag na paggalaw ng mga tao dahil sa pagbaba sa restriksiyon na ipinatututpad ng pamahalaan at bagama’t hindi pa rin inaalis ang panuntunan sa face mask, marami nang hindi gumagamit nito tuwing lumalabas ng bahay at nakikihalubilo sa ibang tao.
Matatandaang base sa datos ng Department of Health (DOH), nasa 12 milyon pa lamang ang nagpapa-booster shot sa 65 milyong Pilipino na bakunado na.
Sa totoo lang, nakakabahala kung biglang magkakaroon ng pagtaas ng COVID-19 cases pagtapos ng halalan dahil ‘pag nangyari ito, ano na lang ang mangyayari sa atin?
Halos kababalik lang sa trabaho ng marami nating kababayan, at kung bigla na namang mawawala ang hanapbuhay, malamang na marami na namang kawawa.
Sa kabilang banda, maluwag man ang mga panuntunan sa kampanya, pakiusap sa mga tagasuporta at kandidato, hinay-hinay pa rin tayo.
Gaya ng palagi nating sinasabi, ‘di na tayo puwedeng bumalik sa dati, lalo na kung may mga paraan naman upang maiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19 surge.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments