COVID-19 surge, ‘di nakakagulat sa dami ng nakalimot sa health protocols
ni Ryan Sison - @Boses | April 18, 2022
Kalahating milyon ng aktibong COVID-19 cases ang nakikitang bilang ng Department of Health (DOH) sa kalagitnaan ng Mayo kung patuloy umanong bababa ang bilang ng mga sumusunod sa minimum public health standards.
Base sa datos ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases’ sub-Technical Working Group on Data Analytics, kasabay ng pagbaba ng bilang ng COVID-19 cases noong Marso at Abril, nagkaroon ng pagbaba sa pagsunod sa health protocols, na dahilan ng posibleng pagtaas ng aktibong COVID-19 cases sa bansa.
Sa mga pagsusuri, ang 20% pagbaba ng pagsunod sa health protocols ay posibleng magresulta sa higit 30,000 aktibong kaso sa kalagitnaan ng Mayo. Habang nasa 300,000 active cases naman ang posibleng resulta nang 30% pagbaba ng pagsunod sa health protocols at maaari pa itong tumaas sa 500,000 kung aabot sa 50% ang hindi pagsunod.
Kaya upang mapigilan ang transmission at mutation ng virus, muling hinikayat ng DOH ang publiko na patuloy na magsuot ng face mask, mag-isolate kung may sakit at magpabakuna kontra COVID-19, gayundin ang maayos na ventilation.
Samantala, hindi nakikita ng OCTA Research Group ang projection ng DOH kung mababawasan nang 50% ang pagsunod sa health protocols. Giit ng OCTA, bagama’t posibleng may surge, malabong mahigitan nito ang bilang ng kaso noong Enero na umabot sa halos 40,000, at kung magkakaroon ng surge, nakikita ng OCTA na aabot ito sa 4,000 hanggang 5,000.
Mahalaga umanong mapanatili ang “wall of immunity” sa bansa kung saan dapat may hanggang tatlong dose ng bakuna kontra COVID-19 ang populasyon.
Sa totoo lang, hindi nakakapagtaka kung magkakaroon ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Katatapos lang ng mahaba-habang bakasyon, maraming naglakwatsa at umuwi sa kani-kanilang probinsiya, ‘yun nga lang, maraming nakalimot sa health protocols at masyadong nakampante.
Kaya ngayong may mga paalala at babala, sana’y makinig at sumunod ang taumbayan.
Panawagan din sa mga kinauukulan, nawa’y maging handa tayo sa mga susunod na linggo.
Ayaw nating maging nega, pero ‘ika nga, mas mabuti nang handa tayo kaysa mangapa pagdating ng panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments