top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

COVID-19 surge, ‘di dapat ikabahala pero mag-ingat pa rin

BULGAR
May 25, 2022
1 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 25, 2022


Dalawang linggo matapos ang halalan, nakapagtala ang pamahalaan ng 10% pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa kumpara noong nakaraang linggo.


Gayunman, tiniyak ng health experts, walang dapat ikabahala sa naturang pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil patuloy ang isinasagawang monitoring ng Department of Health (DOH) sa mga lugar na may mataas na kaso. Gayundin, walang nakikitang “sudden surge”, 14 araw matapos ang Halalan 2022.


Samantala, kapansin-pansin umanong bumababa ang testing rate sa bansa kahit available na sa mga botika ang mga rapid test kits.


Bagama’t sa mga eksperto na mismo nanggaling na walang dapat ikabahala, ‘di ibig sabihin nito na magpapatuloy na tayo sa pagpapabaya.


Sa totoo lang, kahit paulit-ulit ang mga paalala at babala, marami pa ring pasaway. Hindi na nagsusuot ng facemask, at nakakalimot sa social distancing. Bagay na posibleng pagmulan ng hawahan.


Kaya habang ginagawa ng pamahalaan ang kanilang makakaya upang ma-monitor ang mga lugar na may hawahan, gayundin ang pagbabantay sa mga bagong variant, sana’y gawin din ng taumbayan ang kanilang obligasyon.


Ngayong tag-ulan, talamak ang lagnat, ubo at sipon. At dahil ilan ito sa mga sintomas ng COVID-19, hinihikayat ng mga eksperto na kumonsulta sa doktor upang matukoy kung ito ay normal na lagnat, ubo at sipon o kung COVID-19.


‘Ika nga, bumaba o tumaas man ang hawahan, gayundin, anumang alert level ang umiiral, ipinapayo sa lahat na ipagpatuloy ang mga pag-iingat laban sa nakahahawang sakit.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page