Copyright sa lecture ng literary and artistic works
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 30, 2022
Dear Chief Acosta,
Isa akong professor na nagtuturo ng subject na Life and Works of Rizal sa isang unibersidad. Kahapon ay nakita kong naka-post sa social media ng aking estudyante ang kabuuan ng aking lecture. Sinabihan ko ang aking estudyante na mali ang kanyang ginawa sapagkat mayroon akong copyright para sa nasabi kong lecture. Subalit, sinabi niya sa akin na hindi naman diumano nakasulat ang aking lecture, kaya ang alam niya ay hindi ito protektado ng ating batas sa copyright. Tama ba siya? - Ron
Dear Ron,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na nasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 172 ng Republic Act (R.A.) No. 8293 o mas kilala sa tawag na Intellectual Property Code of the Philippines kung saan nakasaad na:
“SECTION 172. Literary and Artistic Works. —
172.1. Literary and artistic works, hereinafter referred to as "works", are original intellectual creations in the literary and artistic domain protected from the moment of their creation and shall include in particular:
x x x
c. Lectures, sermons, addresses, dissertations prepared for oral delivery, whether or not reduced in writing or other material form;” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit, malinaw sa batas na ang mga lectures ay itinuturing na kabilang sa listahan ng mga literary and artistic works at ang copyright nito ay protektado, kahit na ang mga nilalaman ng nasabing lectures ay hindi nakasulat o nakalagay sa dokumento. Samakatwid, mali ang iyong estudyante sapagkat mayroon kang karapatan sa copyright ng iyong lecture, kahit hindi nakasulat o ang mga nilalaman nito ay hindi nakalagay sa dokumento.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments