top of page
Gary V. - IG.jpg

Forest fire, sumiklab sa Camp John Hay

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 13, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 13, 2024


Isa na namang forest fire ang tumama sa Baguio City, nitong Linggo ng umaga.  


Sumiklab ang forest fire sa tatlong ektaryang kakahuyan sa Camp John Hay, kung saan ito na ang ikaapat na beses na nangyari ang insidente ngayong buwan lamang sa summer capital ng bansa.


Sa ulat, mabilis umanong kumalat ang apoy na nakaapekto sa mga linya ng komunikasyon sa lugar habang wala namang naitalang nasawi at nasaktan sa sunog.


Batay sa 8:17AM post sa Facebook page ng Baguio City Public Information Office (PIO), sumiklab ang forest fire sa Voice of America area ng Camp John Hay.


Sinabi naman ni Philippine Air Force (PAF) spokesperson Colonel Maria Consuelo Constillo sa isang panayam ng GMA News, na sa latest report mula sa mga unit sa lugar ay nagpahayag na kontrolado na ang apoy.


Ayon kay Constillo, base sa report ng kanilang units, in control na ang sunog habang wala namang direktiba ang Office of Civil Defense (OCD) para mag-participate ang Philippine Air Force (PAF) sa pag-extinguish o pag-apula ng apoy.


Giit pa niya na hindi na pinatawag ang PAF dahil ang sitwasyon ay kontrolado na sa Camp John Hay.


Nakakabahala ang nagaganap na forest fire na ating nararanasan sa ngayon.


Kung titingnan kasi sa ibang mga bansa ay matindi ang pagsagupa ng mga otoridad dito habang may mga naitatala pang namatay, gaya ng pagsiklab ng forest fire sa Chile na may 112 nasawi at mga tahanang naabo.


Kung iisipin, posible namang mayroong indibidwal na intensyong magsunog kaya sumiklab ang apoy sa naturang lugar. 


Pinakamabigat na kalaban kasi ang apoy na umuubos ng kabuhayan, tumutupok ng mga ari-arian at kumikitil ng buhay. 


Pakiusap sa kinauukulan na sana ay tutukan ang ganitong sitwasyon at alamin ang pangyayari para kahit paano ay mapigilan at hindi na maulit pa ang insidente.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page