top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Sakit, ‘wag balewalain para ‘di lumala o makapanghawa

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 3, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | January 3, 2024


Maganda ang pagpasok sa atin ng Bagong Taon dahil sa unti-unti na ring bumababa ang naitatalang kaso ng respiratory illness sa ating bansa.


Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa, kung saan humuhupa na ang mga kaso ng naturang sakit.


Maaaring aniya, ang pagbaba ng respiratory illness ay dahil sa pagbabakasyon ng mga indibidwal habang walang pasok sa mga trabaho at mga iskul. 


Sa isang panayam kay Herbosa, sinabi nito na sa kabutihang palad nang makausap niya ang kanilang epidemiology unit, batay sa mga ito ay humuhupa na at parang nag-plateau na ang bilang ng mga kaso. Ito ay dahil siguro na nagkani-kanyang bakasyon ang marami na wala nang pasok sa mga trabaho at eskwela, kaya hindi na masyadong kumalat ang respiratory illness.


Gayunman ayon kay Herbosa, dapat pa ring manatiling maingat, partikular na ang mga tinatawag na vulnerable individuals gaya ng mga matatanda o elderly at mga mayroong comorbidities, sa pagdalo sa mga susunod pang okasyon at mga pagtitipon. 


Kadalasan kasi aniya, nagkakaroon ng hawahan ng mga sakit sa ganitong mga klase ng gatherings at parties.


Hinikayat rin ni Herbosa ang publiko na magpabakuna laban sa flu at magsuot pa rin ng face masks, para hindi tuluyang kumalat ang mga influenza-like illness (ILIs).


Mabuti at kumakaunti na ang tinatamaan ng respiratory illness sa ating mga kababayan.


Marahil, natuto na rin tayo sa mga nagdaang taon mula sa ating mga naranasan sa pandemya, na hindi dapat tayo magpakampante at patuloy na mag-ingat lalo na kung ang pinag-uusapan ay para sa kabutihan ng ating kalusugan.


Mainam din ang ginagawa ng kinauukulan na mahigpit na mino-monitor ang ating mga ospital at tinututukan ang kalagayan ng kalusugan ng taumbayan.


Paalala lamang natin sa ating mga kababayan na kung may nararamdaman sa ating katawan ay huwag nating basta babalewalain, magpahinga at huwag nang lumabas ng bahay para hindi na lumala at hindi rin makahawa pa sa iba. Isipin natin lagi ang mas makabubuti sa ating sarili at sa kalusugan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page