top of page

Kahulugan ng namimitas ng mga gulay at prutas, maruruming damit

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 20, 2021
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 20, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Erick ng Sampaloc Manila.


Dear Maestra,

Ang libangan ko ngayon ay pagtatanim ng mga halaman sa aming bakuran. Karamihan dito ay mga halamang namumulaklak at mayroon ding gulay at prutas. Ang sarap pala sa pakiramdam kapag nakita mo na namulaklak na ang mga halamang itinanim mo at buhay na buhay. Gayundin, nakakawala ng stress, lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Napanaginipan ko na namimitas ako ng mga gulay at prutas sa aming bakuran. Nadumihan ang aking damit kaya dali-dali akong umakyat ng bahay para magpalit. Subalit pag-akyat ko sa bahay, nagkalat ang maruruming damit kaya nahirapan akong makakita ng malinis na damit bilang pamalit. Ano ang ipinahihiwatig nito?


Naghihintay,

Erick


Sa iyo, Erick,

Ang iyong panaginip ay nagpapahiwatig na may darating na malaking suwerte sa buhay mo. Nakatakda kang yumaman at magtagumpay sa anumang binabalak mo sa buhay. Maraming magagandang pagkakataon ang paparating, kaya huwag mo na itong palagpasin at huwag nang magpatumpik-tumpik pa. Sunggaban mo na agad ang magagandang kapalaran na nakalaan para sa iyo. Pero iwasan mo lamang ang maging mayabang at makasarili dahil ang ibig sabihin ng maruruming damit sa panaginip mo ay hindi pagkakaunawaan sa loob ng tahanan o may makakaaway ka sa pamilya mo.


Dahil dito, maging mahinahon at mapagpakumbaba ka upang walang makaaway at walang magtanim ng galit sa iyo. Matuto ka ring makisama at ibahagi mo ang iyong tagumpay sa kapwa. Ang pagpapala ay palaging nand’yan kung ikaw ay mananatiling mahinahon, maawain at mapagmalasakit sa kapwa. Huwag mo ring kalimutang magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang dumarating.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page