Copa Paulino Cup: Kaya FC abangan kontra Azkals
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 3, 2022

Mapapawi ang uhaw ng mga tagahanga ng Football at babalik na ang Copa Paulino Alcantara ngayong Marso 14. Apat na buwan pa lang ang lumilipas at ipagtatanggol agad ng Kaya FC Iloilo ang korona laban sa anim na iba pang koponan ng Philippines Football League (PFL).
Hindi na hahatiin ang mga kalahok at isang malaking grupo ang maglalaro. Hahamunin ang Kaya ng Azkals Development Team, Mendiola 1991 FC, Stallion FC Laguna at Dynamic Herb Cebu FC at ang mga nagbabalik na United City FC at Maharlika Manila FC na parehong lumiban sa 2021 Copa.
Maglalaro ng single round o tig-anim na laro ang bawat koponan. Ang apat na may pinakamataas na kartada ay tutuloy sa semifinals sa Mayo 16 at ang dalawang magwawagi ay maglalaro sa finals sa Mayo 23.
Bilang paghahanda sa kanilang paglahok sa 2022 AFC Champions League, ang mga laro ng United City ay gaganapin agad. Lalakbay ang United City sa Thailand ngayong Abril 16 hanggang Mayo 1 kontra sa BG Pathum United ng Thailand, Jeonnam Dragons ng Timog Korea at Melbourne City ng Australia.
Tinalo ng Kaya ang Azkals Development Team, 1-0, para mauwi ang ikalawang Copa noong Nobyembre 19. Ang Kaya din ang kampeon ng pinakaunang edisyon ng torneo noong 2018 na itinatag bilang parangal sa alamat ng Pinoy Football na naging superstar para sa FC Barcelona sa Espana hanggang mag-retiro noong 1927 upang maging doktor ng medisina.





Comments