Cool Smashers, pinasuko ang Lady Troopers sa semis
ni Gerard Arce - @Sports | August 5, 2022

Sinimulan ng Creamline Cool Smashers ang kampanya nito sa panalong tala ng padapain ang Army-Black Mamba Lady Troopers sa four-set sa 25-21, 23-25, 25-19, 25-17 para sa kanilang unang panalo sa single-round semifinals kahapon sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa Ynares Center sa Antipolo.
Kumamada ang 2022 Open Conference MVP Tots Carlos ng kabuuang 24 puntos mula sa 21 atake kaantabay ang 2 blocks at isang service ace, gayundin ang karagdagang 19 excellent digs para pagbidahan ang Cool Smashers sa nakatakdang limang laro sa semifinal round.
Umalalay sa 24-anyos na dating University of the Philippines Lady Maroons opposite Hitter dating three-time Conference MVP Alyssa Valdez na pumalo ng 18 puntos mula sa 17 atake at 1 block, habang sumuporta rin si Jema Galanza sa 12pts, 14 excellent digs at 8 excellent receptions. Mayroon namang naiambag si Jeanette Panaga na 10pts at Celine Domingo na mya 7pts, habang namahagi ng 28 excellent sets si Julia De Guzman.
Bumanat ng 4-1 atake ang Cool Smashers sa pagtatapos ng first set mula sa reverse attack ni Michelle Gumabao at Panaga, kaantabay ang dalawang errors ng Lady troopers upang makuha ang 25-21, kung saan rumehistro ng 16 atake ang Cool Smashers kabilang ang 2 blocks at service ace habang parehong nagtala ng tig-6 errors ang bawat koponan.
Magkasunod na puntos naman ang ibinigay nina Jovelyn Gonzaga at Audrey Paran para maitakas ng Army-Black Mamba ang second set sa 25-23 kasunod ng 8 errors na nakuha ng Creamline kahit na nakalamang ito sa 20 atake kumpara sa 14 lamang na naihataw kasama ang 2 blocks at 1 ace.
Mga laro sa Sabado(Ynares Center Antipolo)2:30 n.h. – Army-Black Mamba vs Cignal HD Spikers5:30 n.h. – Creamline Cool Smashers vs PLDT High Speed Hitters





Comments