Cool Smashers, pakay ang tuktok ng standings sa PVL
- BULGAR
- Feb 28, 2023
- 1 min read
ni Gerard Arce @Sports | February 28, 2023

Mga laro ngayon (Philsports Arena)
4:00 n.h. – Creamline Cool Smashers vs Army Black Mamba
6:30 n.g. – Akari Chargers vs PLDT High Speed Hitters
Planong sungkitin ng Creamline Cool Smashers ang solong liderato sa pakikipagtuos sa kulelat na Army Black Mamba Lady Troopers sa pambungad na salpukan, habang ipagpapatuloy ng PLDT High Speed Hitters ang mainit na laro kontra sa naghahanap rin ng winning streak na Akari Chargers sa main game ngayong Martes sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Rumehistro ang 2019 Open Conference MVP na si Jessica Margaret “Jema” Galanza na bumuhos ng triple-double sa huling laro sa impresibong start line sa 25 puntos mula sa 22 atake, dalawang aces at isang block kasama ang 13 digs at 12 receptions para pagbidahan ang pananagasa sa Chery Tiggo Crossovers mula sa four-setter na laro, na paniguradong sasandalang muli ng Cool Smashers.
Inaasahang babanat muli ang 26-anyos na outside hitter na kinakailangang punan ang patuloy na kawalan ni team captain Alyssa Valdez na nagpapagaling pa sa knee injury, habang binabantayan pa ang sitwasyon ni Tots Carlos, na hinay-hinay rin sa paglalaro dulot ng hamstring injury.
Gayunpaman, malalim pa rin ang paghuhugutan ng mga manlalaro para sa back-to-back conference champions mula kina opposite hitter Michelle Gumabao, at middle blockers Celine Domingo at Jeanette Panaga, habang patuloy ang mahusay na pamamahagi ng opensiba ng koponan mula kay ace playmaker Julia Morado-De Guzman na nagbigay ng 34 excellent sets sa nagdaang laro at depensang hatid sa floor ni Kyla Atienza.








Comments