Cool Smashers, ginitla agad ang Speed Hitters
ni Gerard Arce - @Sports | October 14, 2022

Sinimulan ng Creamline Cool Smashers ang kampanya para sa pag-aasam sa Grand Slam sa 4th set panalo laban sa PLDT High Speed Hitters sa iskor na 25-22, 25-18, 26-28, 25-22 sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Inihataw ni middle blocker Celine “Ced” Domingo ang magagandang quick attacks na ipinapadala sa kanya ni playmaker Jia Morado-De Guzman upang maihatid sa buwenamanong panalo ang defending back-to-back champion na humambalos ng kabuuang 18 puntos mula sa 12 atake, 3 blocks at 3 aces.
Hinataw ng 23-anyos na dating matibay na pader ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang tatlong importanteng puntos para sa Cool Smashers sa 4th set para ibigay sa kanila ang pantapos na puntos sa 3-1 set at patunayan ang pagkakahirang sa kanya bilang Finals MVP sa nagdaang ng PVL Invitational Conference nung Agosto 14.
“Inisip ko lang talaga na kailangan kong mag-contribute, kailangan ko mag-step up, kailangan ko gawin yung role ko as middle blocker and I’m really thankful that Jia (Morado-De Guzman) is there always, talagang pinagkakatiwalaan niya ako kahit na malayo sa net, sine-set pa rin niya ako, kaya I just did my part and I’m very thankful for everyone sa lahat ng team mates ko,” pahayag ni Domingo.
Naging malaking parte rin ng panalo ng five-time conference league champions ang team captain at nagbabalik na three-time MVP Alyssa Valdez na tumapos ng triple-double sa 17pts mula sa 15 atake at dalawang blocks, 13 digs, at 13 excellent reception, gayundin si Turkish import Yeliz Basa sa parehong 17pts na nagmula lahat sa atake.





Comments