Cool Smashers, balik sa PVL Invitational finals
- BULGAR
- Jul 26, 2023
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | July 26, 2023

Mga laro bukas (Huwebes) (Philsports Arena)
4:00 n.h. – PLDT High Speed Hitters vs Kurashiki Ablaze
6:30 n.g – Kinh Bac Bac Ninh Womens vs Cignal HD Spikers
Paniguradong babalik sa finals upang depensahan ng Creamline Cool Smashers ang kanilang titulo sa Invitational Conference matapos walisin ang Vietnam guest team na Kinh Bac Bac Ninh Womens sa bisa ng 25-23, 25-23, 25-17 na mahusay na ginabayan ni ace playmaker Julia Morado-De Guzman sa maigsing single round-robin semifinals ng Premier Volleyball League (PVL) kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Namahagi ng kabuuang 17 excellent sets at tatlong puntos ang 28-anyos na multi-best setter ng liga upang biyayaan ng atake sina Diana Mae “Tots” Carlos ng 16 puntos mula sa 14 atake at dalawang blocks, gayundin si Alyssa Valdez sa 11pts sa lahat ng atake kabilang ang 11 excellent receptions, habang may ambag si Jessica “Jema” Galanza na 10pts at 10 excellent digs. May tig-7 puntos din sina Michelle Gumabao at Jenanette Panaga.
“Thankful kami sa mga players siyempre nagrerespond sa mga sinasabi at pinapagawa namin kaya siguro nasa finals kami ulit,” pahayag ni Creamline head coach Sherwin Meneses. “Pero syempre lahat ng team’s gusto mag-champion kaya ‘di pa tapos yung goal namin kaya hopefully makuha namin yung finals kaya pagtatrabahuhan pa naming.”
Naging maingat sa pagtakbo ng laro ang Creamline na nagkamit lamang ng 13 errors kontra sa 20 ng Kinh Bac BacNinh, habang mas naging epektibo ang depensa sa blocking ng defending champions sa 10 na pinagbidahan ni last year Finals MVP Ced Domingo sa 4 na tumapos ng kabuuang 8 puntos.
Muli namang nakaranas ng panibagong pagkabigo ang Vietnamese squad para bumagsak sa 0-3 kartada at lumabo ang tsansa na makapasok sa Finals. Puntirya ng Cool Smashers na makuha ang kanilang back-to-back title at ika-pitong kampeonato sa liga na nabigong mailista ang kauna-unahang Grandslam title nung isang taon na naunsyami ng mabigong makapasok sa finals ng 2022 Reinforced Conference.








Comments