Cool Smashers, 6th place vs. Taiwan sa AVC Cup
ni Gerard Arce - @Sports | August 30, 2022

Nagtapos ang kampanya ng Creamline Cool Smashers-Philippine national team sa ika-6th pwesto sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup for Women matapos na walisin ng World No.57 Chinese Taipei sa iskor na 26-28, 21-25, 21-25 kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Hindi nagawang maiangat ni 2022 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Tournament Final MVP Celine Domingo ang koponan na tumapos sa team-high 12pts mula sa 11-of-17 atake at isang block para pangunahan ang koponan na mahigitan ang tinapos na ninth-place finish noong 2018 sa Nakhon Ratchasima sa Thailand matapos makuha ang 3-3 rekord sa kabuuan ng torneo.
Tanging ang dating Far Eastern University middle blocker ang nagtapos ng double digits na kinulang sa nakuhang suporta mula kina Michelle Gumabao na pumalo ng 9pts mula sa 7 atake at 2 blocks, Jema Galanza sa 8-of-30 lahat sa atake, Jeanette Panaga sa 4 atake, 3 blocks at 1 ace at Tots Carlos sa 7pts sa 7-of-44 sa atake.
“Masaya kami kase nakapag-compete kami sa ganitong level, magandang experience sa team namin. Hopefully kapag nabigyan kami ng chance na eh mag-improve pa kami sa mga international game,” pahayag ni head coach Sherwin Meneses. “Yung experience at exposure sa game maraming country ang nakalaban natin. Hopefully madala natin sa mga next tournament na international [at] local. Naging magandang resulta sa amin, kahit 6th ginawa ng players ang best nila at thank you sa opportunity talaga,” dagdag ng dating Adamson Lady Falcons chief tactician at Ateneo Blue Eagles assistant coach.
Nagtapos sa kabuuan ng torneo ang Pilipinas na may 3-4 kartada, kung saan nakakuha ng dalawang panalo sa preliminary round mula Iran at South Korea, habang nauna itong yumuko sa 2-time Southeast Asian Games runner-up Vietnam sa unang laro at three-time defending champions China sa Pool A.





Comments