Cong., uuwi na raw ng 'Pinas.. Fake news! — Teves
- BULGAR

- May 18, 2023
- 1 min read
ni Madel Moratillo | May 18, 2023

Naninindigan si suspended Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves na walang katotohanan ang isiniwalat ni Justice Secretary Boying Remulla na susuko at uuwi na ito ng Pilipinas.
Ayon kay Teves, ‘fake news’ ang sinabi ni Remulla sa isang press conference na siya raw ay babalik na ng Pilipinas kahapon, Mayo 17.
"Dapat tinanong muna nila ako bago sila nagsalita sa mga desisyon ko, 'di ba?" ani Teves.
Kinuwestyon ni Teves ang umano’y ‘reliable source’ ni Remulla dahil siya lang daw ang tanging nakakalaam kung kailan siya uuwi.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ng kanyang legal counsel nito na si Atty. Ferdinand Topacio na hanggat mayroon pa ring banta sa buhay ni Teves ay hindi pa rin ito babalik ng bansa.
Samantala, nahaharap na ngayon sa patung-patong na reklamo sa Department of Justice si Teves, kaugnay ng pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ang reklamo ay inihain ng National Bureau of Investigation sa pangunguna mismo ni Director Medardo De Lemos.
Ayon kay Remulla, bukod sa murder ay sinampahan din ng mga reklamong attempted murder at frustrated murder si Teves.
Dahil naisampa na ang reklamo laban kay Teves, puwede na siyang ipa-subpoena ng DOJ na nagsasagawa ng preliminary investigation sa mga reklamo kaugnay ng pagpatay kay Degamo.
Ayon kay Remulla, kinakailangan na personal na panumpaan ni Teves ang kanyng kontra salaysay.
Kung hindi aniya ito uuwi, isasampa sa korte ang kaso laban sa kanya.





Comments