top of page
Search
  • BULGAR

Cong. Teves, may kondisyon bago bumalik ng ‘Pinas

ni Jeff Tumbado | March 14, 2023




Tiniyak ng kampo ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves, Jr., na babalik pauwi ng bansa ang kongresista upang harapin at sagutin ang pagkakasangkot nito sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo.


Pero may mensahe rin na ipinarating si Teves sa mga awtoridad sa pamamagitan ng kanyang lead counsel na si Atty. Ferdinand Topacio, na uuwi lamang siya kung bibigyan ng seguridad ang kanyang pamilya upang matiyak ang kanilang kaligtasan.


Binigyang-diin ni Topacio na ang seguridad ni Teves at kanyang pamilya ay isa nang malaking alalahanin lalo pa’t ang ilang mga sunud-sunod na lumalabas na mga pangyayari kaugnay ng kaso.


“Definitely, he intends to return to clear his name… However, in light of recent developments where the rights, not just of Cong. Teves but of others associated with him were trampled upon, may malaking concern na sa security niya,” pahayag ni Topacio sa isang weekly Pandesal Forum sa Quezon City kahapon.


Sinabi naman ni Atty. Toby Diokno, na nagpakilala bilang kababata ng kongresista, na walang makakapagpigil kay Teves na umuwi sa Pilipinas para sagutin ang lahat ng ipinaparatang sa kanya.


“We just have to secure his safety and the safety of his family before he could really decide when to return. It’s just a matter of when. If he will return, yes, he will return. It’s just a matter of when,” saad ni Diokno.


Samantala, maging si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay humihikayat kay Teves na agad bumalik ng bansa para harapin ang mga bintang laban sa kanya.

Iginiit ng leader ng Kamara na ang authority to travel ni Teves sa Estados Unidos ay balido lamang ng may petsang Pebrero 28 hanggang Marso 9, 2023.


Mismong si Romualdez ang nagpatawag ng imbestigasyon in aid of legislation kaugnay sa kahina-hinalang hindi pagsipot ng limang police personnel na security details ni Degamo noong araw nang isagawa ang pagpaslang sa gobernador.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page