Cong. Crispin Remulla, babanat na lang sa mga Kakam-Pink, sumablay pa
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 8, 2022
BANAT NI CONG. CRISPIN REMULLA SA MGA TAGA-CAVITE NA LENI SUPPORTERS, SABLAY–Napahiya si Gov. Jonvic Remulla sa sinabi niyang 800K votes ang ibibigay niya kay presidential candidate Bongbong Marcos kasi lumalabas na hindi niya kayang mag-deliver ng ganyan karaming boto kay BBM matapos dagsain ng mga taga-Cavite ang political rally sa lalawigan ni presidential candidate, Vice-Pres. Leni Robredo.
Dahil napahiya si Gov. Jonvic, to-the-rescue agad ang utol niyang si Cavite Rep. Crispin Remulla at sinabing binayaran umano ng tig-P500 ang mga dumalo sa political rally ni VP Leni.
Pero sablay ang kongresista sa banat nito kasi kay Gov. Jonvic nag-boomerang ang statement niya. Nag-viral na naman kasi sa social media ang insidente noong 2019 election, kung saan nahuli sa akto ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation Group (CIDG) noong May 6, 2019 ang mga tauhan ng gobernador na namimili ng P200 kada boto sa mga botante dahil noong panahon na ‘yun ay mabigat ang kalaban niya sa pagka-gobernador na si dating Gov. Ayong Maliksi, boom!
◘◘◘
ANG SUWERTE NI CONG. CRISPIN KASI UNOPPOSED SIYA, PERO SI GOV. JONVIC BAKA MALASIN KASI MAY TATLONG KALABAN SA PAGKA-GOVERNOR–Suwerte lang si Cong. Crispin dahil wala siyang kalaban o unopposed siya sa pagka-kongresista sa 7th district ng Cavite sa darating na halalan kasi kung nagkataong may kalaban siya, baka pagkatalo ang abutin niya sa eleksiyon.
Pero ang masaklap, ang utol ni Cong. Crispin na si Gov. Jonvic ay may tatlong kalaban sa pagka-gobernador, hindi nga lang gaanong kilala sa pulitika at sila ay sina independent candidates Edwina “Weng” Aginaldo, Jerum Gilles at Augusto Perra.
Kaya dapat, ingat-ingat si Cong. Crispin sa pag-aakusa kasi baka mabuwisit ang mga ito at ang resbakan sa eleksiyon ay ang kanyang utol na magdulot upang talunin ito ng isa sa tatlong kalabang kandidato, abangan!
◘◘◘
‘PERYA NG BAYAN’-CON JUETENG SA CAVITE, DAPAT I-TOKHANG–Halos lahat ng barangay sa Cavite ay may kubrador ng Perya ng Bayan-con jueteng sina alyas John Yap at Manalac.
Ipinatigil noon ni P-Duterte ang operasyon ng “Perya ng Bayan” kasi estilong jueteng ang operasyon nito na malinaw na panraraket lang sa mga taga-Cavite.
Oh, ano pa wait mo, Cavite PNP Director, Col. Arnold Abad, aba’y aksiyon na’t tokhangin na sina “John Yap” at “Manalac”, dali!





Comments