top of page

Confidentiality at non-compete clause, para protektahan ang mga kumpanya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 6, 2024
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Abril 6, 2024



Dear Chief Acosta,



Nagtrabaho ako sa isang pribadong kumpanya at bahagi ng katungkulan ko ay ang humawak ng mga confidential na impormasyon ng aming kliyente. Nakasaad sa pinirmahan kong kontrata na hindi ko maaaring isiwalat ang mga nasabing impormasyon nang walang pormal na pahintulot ng aming kumpanya at hindi ako maaaring tumanggap ng trabaho sa ibang company na “in competition” o “same industry” sa kumpanya namin habang ako ay empleyado pa rito at sa loob ng anim na buwan mula sa pagwawakas ng panunungkulan ko sa kanila. Nakatanggap ako ng alok na trabaho sa katunggali naming kumpanya. Higit na mas mataas ang sahod, kung kaya’t tinanggap ko ito at nag-resign lamang ako halos isang linggo bago ako magsimula sa kabilang kumpanya. Nang i-claim ko ang naiwan ko pang benepisyo sa una kong kumpanya, pinatawan nila ako ng penalty dahil lumabag diumano ako sa pinirmahan kong kontrata. Talaga bang hindi ako maaaring lumipat sa kumpanya na “in competition” o “same industry”? Hindi ba labag naman iyon sa karapatan kong umasenso sa buhay? Sana ay malinawan ninyo ako. -- Angela



Dear Angela,



Mayroong limang pinanggagalingan ang obligasyon, at isa na rito ay ang mga kasunduan o kontrata. (Artikulo 1157 (2), New Civil Code) Sa pangkalahatan, maaaring magkasundo ang mga partido sa kontrata, anumang takda o kondisyon ang kanilang naisin, hangga’t ito ay hindi labag sa batas, moralidad, tamang kostumbre, pampublikong kaayusan at pampublikong polisiya. Ito ay alinsunod sa Artikulo 1306 ng ating New Civil Code na nagsasaad na:


“Art. 1306. The contracting parties may establish such stipulations, clauses, terms and conditions as they may deem convenient, provided they are not contrary to law, morals, good customs, public order, or public policy.”


Dahil ikaw ay mayroong pinirmahan na kontrata ng pamamasukan sa una mong kumpanya, kinakailangan mong tumalima sa bawat probisyong nakasaad doon. Tandaan na anumang obligasyon na bunga ng kasunduan ay ipatutupad bilang batas sa pagitan ng mga partido nito. (Artikulo 1159, Id.)  Kabilang na rito ang pagtupad sa mga limitasyon at/o regulasyon sa mga maaari mong gawin, tulad ng mga bagay o akto na maaaring magdulot ng kapinsalaan sa naturang kumpanya.


Kaugnay nito, masasabi na maaari kang patawan ng penalty ng una mong kumpanya kung nakasaad ang naturang pagpapataw sakaling mayroon kang paglabag sa inyong kasunduan at ikaw nga ay napatunayan na sadyang lumabag. Batay lamang sa mga naisaad mo sa iyong sulat, masasabing balido ang probisyon ng pagbabawal sa iyo sa pagsiwalat ng mga mahahalagang impormasyon, na karaniwang tinatawag na confidentiality clause, at pagbabawal sa iyo na mamasukan o lumipat sa katunggaling kumpanya, na karaniwang tinatawag na non-compete clause. Ang ganitong uri ng probisyon sa mga kasunduan ay hindi upang kitlin ang pagkakataon na umasenso sa buhay ang manggagawa, bagkus, ito ay upang protektahan ang kumpanya at/o mga kliyente nito. Tulad din ng nabanggit mo, bahagi ng iyong katungkulan ang humawak ng mga confidential na impormasyon. Kung kaya’t ang probisyon na iyon ay maaaring isinaad upang proteksyunan ang naturang kumpanya.


Mababanaag din sa iyong sulat na hindi absolute o panghabambuhay ang pagbabawal o paglilimita sa iyo. Nililimitahan ka lamang sa loob ng panahong ikaw ay kawani pa ng nasabing kumpanya hanggang anim na buwan makalipas ang pagwawakas ng iyong paninilbihan sa kanila. Ang ganitong uri ng probisyon ay karaniwang kinikilala sa ating lipunan at hindi agarang masasabing mapang-api sa panig ng manggagawa. Bagaman pinoprotektahan ng batas ang karapatan ng mga manggagawa, pinoprotektahan din nito ang angkop na karapatan ng mga kumpanya at employers. Sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Estela M. Perlas-Bernabe, binigyang-diin sa Desisyon ng Korte Suprema sa kasong Century Properties, Inc. vs. Babiano and Concepcion (G.R. No. 220978, July 5, 2016), ang kahalagahan ng pagtalima sa kasunduan sa pamamasukan at ang maaaring bunga ng paglabag dito:


“x x x Indubitably, obligations arising from contracts, including employment contracts, have the force of law between the contracting parties and should be complied with in good faith. Corollary thereto, parties are bound by the stipulations, clauses, terms, and conditions they have agreed to, provided that these stipulations, clauses, terms, and conditions are not contrary to law, morals, public order or public policy, as in this case.


Therefore, the CA erred in limiting the “Confidentiality of Documents and Non-Compete Clause” only to acts done after the cessation of the employer-employee relationship or to the “post-employment” relations of the parties. As clearly stipulated, the parties wanted to apply said clause during the pendency of Babiano’ s employment, and CPI correctly invoked the same before the labor tribunals to resist the former’s claim for unpaid commissions on account of his breach of the said clause while the employer-employee relationship between them still subsisted. x x x”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page