Sakit sa ulo ng COA ang "confidential funds" ni VP Sara
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 24, 2022
INTINDIHIN LANG ANG POST NI JANNO GIBBS, MADALI NA MAINTINDIHAN ANG IBIG SABIHIN NG 'CONFIDENTIAL'—Isa sa mainit na isyung pinag-uusapan ngayon ay tungkol sa hinihinging confidential fund ni Vice-President, DepEd Sec. Sara Duterte-Carpio, P500 million confidential fund ng Office of the Vice-President (OVP) at P150 million confidential para sa kanyang tanggapan sa DepEd, na kapag kinuwenta ay tumataginting na P650 milyon.
Marami sa ating mga kababayan ang hindi maintindihan ang kahulugan ng "confidential fund", nagtataka ang ilan nating kababayan kung bakit may tumututol na bigyan ng confidential fund ang OVP at DepEd ni Sara.
Para sa simpleng paliwanag, intindihin na lang ang post sa social media ni Janno Gibbs… "Pag nag-withdraw ako ng P100K sa bangko at tinanong ako ni misis, "Para saan 'yan?" at sinagot ko ng "confidential", basag ang mukha ko!"
◘◘◘
MAHIRAP MALAMAN KUNG SAAN GINAGASTA ANG CONFIDENTIAL FUND KASI WALA ITONG RESIBO—Sa totoo lang, sakit ng ulo ng Commission on Audit (COA) ang confidential fund o intelligence fund kasi wala silang power na alamin kung saan ito ginastos. Kapag nagtanong ang COA kung saan ginasta ang pera ng bayan, sasabihin lang ng may kontrol sa confidential fund na, "Confidential!"
Sa madaling salita, walang resibo ang pinagkakagastusan ng confidential fund at 'yan ang dahilan kung bakit sumasakit ang ulo ng COA sa mga pondo kasi nga walang resibo, hindi nila ma-audit kung saan ginasta ang pera ng bayan—kung saan napunta at kung sino ang nakinabang.
◘◘◘
BAKIT PINAGPIPILITAN NI SARA NA MAGKAROON SIYA NG CONFIDENTIAL FUNDS?—Ang mga tanggapan na need ang confidential fund ay Office of the President (OP) kasi pangulo ang commander-in-chief, Department of National Defense (DND), Department of Interior and Local Government (DILG), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Intelligence and Coordinating Council (NICA), Senate of the Philippines at House of Representatives, Office of the Governor at Office of the Mayor kasi kailangan naman talaga nila ng pondo para i-surveillance o tiktikan ang masasamang elemento ng lipunan.
Pero ang OVP at DepEd, hindi naman talaga binibigyan ng confidential fund 'yan dahil hindi mandato ng mga tanggapan na magsagawa ng surveillance o paniniktik sa masasamang elemento ng lipunan, kaya't dami talagang nagtataka kung bakit pinagpipilitan ni VP, DepEd Sara na magkaroon din siya ng confidential fund.
◘◘◘
CONFIDENTIAL, INTEL FUNDS AT PORK BARREL NG MGA POLITICIANS SA NATIONAL BUDGET, TANGGALIN—Sa kuwentada ng Kongreso ay nasa P3.633 trilyon lang ang makokolektang buwis ng pamahalaan sa 2023, at para mabuo ang nais na P5.268 trilyong budget ng Marcos administration, kailangang mangutang ang Pilipinas ng P2.207 trilyon sa mga financial institution sa mundo.
Hay naku, hindi na nga makausad-usad ang Pilipinas sa laki ng iniwang utang ni ex-P-Duterte, heto't mangungutang na naman.
Sa totoo lang, tanggalin lang sa national budget ang nakakalulang confidential funds, intelligence funds at pork barrel ng mga pulitiko, palagay natin ay hindi na kailangang mangutang ang Pilipinas, mapagkakasya na ang P3.633 trilyon para sa mga programa at proyekto ng pamahalaan.





Comments