Confi funds at pork barrel ng mga trapo, gawing pang-ayuda na lang
- BULGAR
- Oct 15, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 15, 2022
KAPAG WALA NANG CONFIDENTIAL FUNDS AT PORK BARREL, GIGINHAWA ANG BUHAY NG MGA PINOY—Inanunsyo ng Commission on Audit (COA) na base sa ginawa nilang pananaliksik na patuloy pa rin naghihirap sa buhay, kinakapos sa makakain ang mahihirap nating kababayan na benepisaryo ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program).
Sa totoo lang, hindi mahihirap na benepisaryo ng 4Ps ang nakararanas ng hirap ngayon, kundi ang mga nasa middle class citizens ay dumaraing na rin sa kahirapan ng buhay.
Tanggalin lang ang confidential funds at pork barrel ng mga trapo (traditional politicians), tiyak na giginhawa ang pamumuhay ng mga Pilipino kasi sa totoo lang, ang nakikinabang sa confidential funds at pork barrel ay mismong trapo at kanilang pamilya, hindi ang mamamayan.
◘◘◘
GAWING PANG-MONTHLY AYUDA SA MAMAMAYAN ANG CONFIDENTIAL FUNDS AT PORK BARREL NG MGA TRAPO—Paano giginhawa ang buhay ng mga Pinoy kapag wala nang tinatanggap na confidential funds at pork barrel ang mga trapo?
Ito ang sagot d'yan. Gawing monthly ayuda sa mamamayan ang sangkatutak na kuwarta ng taumbayan na napupunta sa mga confidential funds at pork barrel ng mga trapo.
Kapag nangyari na ang confidential funds at pork barrel ng mga trapo ay ginawang pang-ayuda, tiyak na giginhawa ang buhay ng mga Pinoy.
◘◘◘
SANGGUNIANG KABATAAN, GAWING SANGGUNIANG KATANDAAN—Matapos aprubahan ni P-BBM ang postponement ng barangay at SK (Sangguniang Kabataan) elections, sana ay may senador o kongresista ang magpanukala na baguhin ang pangalan ng Sangguniang Kabataan at gawin itong Sangguniang Katandaan.
Ilang beses na kasing pinakansela ng mga sen. at cong. ang halalang pambarangay, kaya karamihan sa mga miyembro ng Sangguniang Kabataan ay hindi na matatawag na kabataan, kaya mas angkop sa kanila ang katawagang Sangguniang Katandaan.
◘◘◘
BAD SA PANINGIN NG MGA PINOY AT NG MUNDO NA SANGKOT SA DROGA ANG ANAK NG SECRETARY OF JUSTICE, KAYA'T DAPAT SIBAKIN NI P-BBM SI SEC. BOYING—Matapos matimbog sa drug-bust ang anak niyang si Juanito Jose Remulla, ang dapat na ginawa ni Sec. Boying Remulla ng Department of Justice bilang delicadeza ay mag-resign siya sa puwesto, kaya lang tila wala itong planong magbitiw sa posisyon, hindi raw siya makikialam sa kasong illegal drugs ng kanyang anak.
Kung ayaw ni Sec. Boying mag-resign, dapat sibakin na siya ni P-BBM kasi sa totoo lang, bad sa paningin ng mga Pilipino at ng mundo, na ang head ng Justice department ng Marcos administration ay may anak na sangkot sa kalakaran ng illegal drugs.





Comments