Concepcion: Bakunahan ang 53M unboostered Pinoy para maiwasan ang 300K COVID cases
ni Fely Ng - @Bulgarific | April 23, 2022

Hello, Bulgarians! Naniniwala si Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion na kayang pigilan ang pinangangambahang 300,000 aktibong kaso ng COVID-19 pagdating ng Mayo na sinasabi ng World Health Organization (WHO) sa pamamagitan ng pagbabakuna ng 53 milyong Pilipinong hindi pa nakakatanggap ng kanilang booster shots.
Ang Pilipinas ay kasalukuyang mayroong 67 milyong indibidwal na fully vaccinated, kulang pa ng 23 milyon sa target nitong 90 milyon. Mayroon ding mahigit na 53 milyong indibidwal na hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga booster shot.
“Habang marami tayong bakuna, halos 80 million, kunin na natin ang booster natin. Let’s maintain the wall of immunity, at huwag sayangin ang bakuna,” ani Concepcion.
Iminungkahi ni Concepcion na i-require ang mga booster card, maglagay ng expiration date sa mga naunang vaccination card, at payagan na ang mga paunang booster para sa 12-17 taong gulang, at ang pangalawang booster para sa mga vulnerable sa lalong madaling panahon.
Kaugnay nito, inilabas sa ilang media platform ang kampanya para hikayatin ang mga Pilipino na magpabakuna at kapag puwede na, kumuha ng kanilang mga booster shot.
Kabilang sa mga medical expert na kasama sa kampanya ay sina DOH Secretary Francisco Duque; Presidente ng Philippine College of Physicians na si Dr. Maricar Limpin; Dr. Nina Gloriani at Dr. Rontgene Solante ng Vaccine Expert Panel; Special adviser ng IATF na si Dr. Ted Herbosa; infectious disease expert Dr. Edsel Salvana; dating DOH Sec. Dr. Esperanza Cabral; mga OCTA Research fellow na sina Dr. Benjamin Co, Fr. Nic Austriaco at Prof. Guido David; Presidente ng Philippine Society of Pathologists na si Dr. Roberto Padua; at ang health reform advocate na si Dr. Tony Leachon.
Ang banta ng muling pagkahawa sa COVID ay idiniin ng ilan sa mga eksperto, at kung paano nakakapagbigay ng karagdagang proteksyon ang mga booster shot kahit na may lumabas na mga bagong variant. Iminungkahi rin ang pagbibigay ng mga insentibo at paghihigpit bilang mga mabisang paraan sa paghikayat sa pagbabakuna.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



Comments