Commissioner Pingris, ipakukulong ang game-fixers sa Super League
ni Gerard Arce - @Sports | February 15, 2022

Nagbabala si Pilipinas Super League commissioner Marc Pingris na ipakukulong niya ang sinumang player, coach o team owner na magtatangka o gagawa ng pandaraya at game-fixing sa kanilang liga na nakatakdang magbukas sa Marso 18 sa Dipolog City sa Zamboanga del Norte.
Binigyang-diin ng retired PBA player at 9-time champion na hindi siya mangingiming gawin ang hakbang sa mga sisira at dudungis sa minahal na palakasan, kung saan ibinahagi rin ng 40-anyos na tubong Pozorrubio, Pangasinan na minsan rin siyang inalok ng malaking halaga upang ilaglag ang isang laro.
“I hope na sana huwag nilang gagawin din sa PSL dahil ako mismo talaga magpapakulong sa mga player na ito or kahit sabihin mo sa mga coach na yan na talagang umuutos sa mga player,” pahayag ni Pingris sa isang virtual sports program. “Kung kinakailangan P100,000 hanggang P200,000 and then kung makukulong, sa akin payag ako doon dahil kailangan natin bantayan ang mga ito and also sayang kasi na ito yung opportunity nila, trabaho nila tas bababuyin pa nila,” dagdag ng assistant coach ng Gilas Pilipinas.
Importante sa dating 2-time Finals MVP ang dignidad at kahalagahan ng pagmamahal sa trabaho para tanggihan ang P200,000 hanggang P240,000 sa isang laro lang.
“Noong naglalaro ako sa PBA, may tumawag sa akin na talagang in-offer sa akin 200k to 240k para in isang game, ganun kalaki at ayaw ko pasukin ang ganito dahil ayaw ko naman yan yung ipapakain ko sa asawa ko, anak ko, ibibigay kong pera sa nanay ko ay galing po sa masama,” sambit ni Pingris. “Di bale na kung ganito lang ang suweldo, masaya na ako doon kasi sayang, gigising ka ng umaga, magpapratice ka tapos bababuyin niyo, parang binaboy na rin ang sarili mo roon.”
Tinukoy ni PSL President at CEO Rocky Chan na hiniling na nila sa team owner’s ng 12 koponan na bantayan ang mga manlalarong may nakaraan at markado nang pandaraya at nasangkot na sa mga game-fixings. “Talagang paghihigpitan natin actually this early sa mga teams na kasali nire-review namin from the team owners down to the players lalo na pag may mga red flag doon sa mga pangalan ng mga players,” wika ni Chan na tinumbok ang nangyaring game-fixing allegations sa dating pinamunuan na Pilipinas Vis-Min Super Cup noong Abril 2021.





Comments