Comelec, galaw-galaw sa mga isyu ng vote buying!
ni Ryan Sison - @Boses | April 25, 2022
Nauwi sa stampede ang isang pagtitipon ng mga tagasuporta ng isang kandidato sa Quezon City, kung saan isang 74-anyos na lola ang napilayan at isa pang senior citizen ang hinimatay matapos magkatulakan.
Kuwento ng biktima, ipinatawag siya ng payout leader para mabigyan ng P500 kapalit ng ID. Agad umanong dinumog ng tao ang naturang payout at lalong nagkagulo nang ianunsiyo ng coordinator na magkakaroon ng cutoff at 1,500 katao lamang ang mabibigyan ng naturang halaga.
Ito umano ang ikalawang pagkakataon na nagkaroon ng kaguluhan sa payout operation ng naturang kandidato.
Samantala, agad na inakusahan ng isang non-government organization na vote buying ang insidente at nagsampa ng 290 kaso sa Comelec laban sa kandidato.
Nangako naman ang Comelec na aaksiyunan ang mga naisampang reklamo sa lalong madaling panahon at bago pa man matapos ang eleksyon.
Nakakadismaya dahil ilang araw na lang bago ang eleksyon, may mga ganito pang insidente.
Hindi lang ito isyu sa pamumudmod ng pera o vote buying kung ituring ng iba kundi maging ang kaligtasan ng mga tagasuporta dahil nagkakasakitan na. Ang masaklap pa, pawang matatanda ang biktima.
Bagama’t hindi natin masisisi ang mga dumagsa sa naturang pagtitipon, tayo naman ay may pakiusap sa taumbayan, plis lang, huwag nating ibuwis ang ating buhay para sa pera dahil hindi kayang pantayan ng anumang halaga ang buhay.
Panawagan lang din sa Comelec, nauunawaan nating puspusan ang paghahanda n’yo para sa Mayo 9, pero sana, maaksiyunan sa lalong madaling panahon ang mga ganitong insidente dahil nakakabahala.
Ilang araw na lang, sana’y magsilbi itong aral at paalala sa mga botante kung gaano kahalaga ang pagpili ng karapat-dapat maupo sa puwesto.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments