top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Comelec at NU, lumagda ng MOU para sa Register Anywhere Project

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 20, 2023
2 min read

ni Lolet Abania | January 20, 2023



Lumagda ang Commission on Elections (Comelec) ng isang memorandum of understanding (MOU) kasama ang mga opisyal ng National University (NU) ngayong Biyernes para sa paglulunsad ng poll body ng kauna-unahang Register Anywhere Project (RAP) sa isang educational institution.


Sa ginanap na MOU signing, sina Comelec chairperson George Garcia, Executive Director Teofisto Elnas Jr., at Deputy Executive Director for Operations Rafael Olaño, ang nagrepresenta sa poll body.


Habang sina NU Executive Vice President Rosauro Manuel, Executive Director for NU Fairview Ricky R. Lawas at Executive Director for NU MOA Leonora E. Concepcion, ang kumatawan naman sa unibersidad.


Sa kanyang mensahe bago ang MOU signing, sinabi ni Garcia na ang RAP sa mga educational institutions gaya ng NU ay layong mahikayat ang mga kabataan na makilahok sa mga isinasagawang electoral activities.


“’Pag pinag-usapan ang isang campus o ang isang university, ang pinag-uusapan natin dito kabataan, mga estudyante... dapat lang na sila ay maiparehistro natin sapagkat ngayon pa lang ganito kaaga dapat lang maipakita natin, maiparamdam natin na gano’n sila kaimportante pero dapat din panindigan nila ang obligasyon nila bilang mamamayan ng ating bansa,” paliwanag ni Garcia.


Noong nakaraang linggo binanggit ni Garcia na hindi pa nakakamit ng ahensiya ang kalahati ng kanilang inaasahang 1.5 hanggang 2 milyong bagong registrants para sa gagawing 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).


Gayunman, ang voter registration para sa 2023 BSKE ay nagsimula noong Disyembre 12, 2022 at magtatapos sa Enero 31, 2023.


Anang ahensiya, maaaring pumunta ang mga registrants sa office of the election officer o sa satellite registration sites sa kanilang lugar mula Lunes hanggang Sabado, kabilang na ang holidays, mula 8AM hanggang 5PM.


Ang Register Anywhere Project ay tatagal naman hanggang Enero 25, 2023.


Matatandaan na noong Disyembre 2022, isasagawa dapat ang BSKE subalit iniurong ito sa Oktubre 2023.


Nitong Enero 13, ayon sa Comelec, nakapag-register na ang 1,024,521 bagong botante para sa 2023 BSKE.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page