Cole Is A Roll at Sonic Clay sa 2-YO Maiden Stakes Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | August 17, 2022
Nagsaad ng pagsali ang magkakamping sina Cole Is A Roll at Sonic Clay sa ikakasang 2022 PHILRACOM "2-Year-Old Maiden Stakes Race" na gaganapin sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas sa darating na Linggo.
Makikipagtagisan ng bilis sina Cole Is A Roll at Sonic Clay laban sa siyam na kalahok sa distansiyang 1,400 meter race.
Matitikas din ang mga kabayong nagdeklara ng paglahok, ito'y sina Alalum Falls, Bandido, Buena Bella, Galactus, Istulen Ola, Orange Bell, Stealing Heaven, Sylvia Plath at Wind Master.
Sasakyan sina Cole Is A Roll at Sonic Clay nina former Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee Jessie Guce at class A rider Jeffril Zarate ayon sa pagkakasunod.
Ipamumudmod sa unang anim na kabayong tatawid sa meta ang P1M guaranteed prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Komento ng mga karerista, magandang laban ang masisilayan nila dahil mga dekalidad na batang kabayo ang mga kalahok. "Sana tuwing linggo may mga stakes races na ang ilalarga o kaya dapat may karerang ang lineup ay mga pang-stakes race para masaya palagi ang pananaya," saad ni Sylverio Puyat, veteran karerista.
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P600,000, ibubulsa ng pangalawang kabayong tatawid sa meta ang P200,000 habang tig-P100,000 at P50,000 sa third at fourth placers ayon sa pagkakasunod. May kukubrahin na P30,000 at P20,000 ang fifth at sixth habang tatanggap din ng cash prize ang breeder ng winning horse.





Comments