top of page

COCO, KAY SUSAN NAGSUSUMBONG NA TUMITIKLOP 'PAG NAKAKARINIG NG INGLES

  • BULGAR
  • May 24, 2022
  • 4 min read

ni Julie Bonifacio - @Winner | May 23, 2022


ree

Bumuhos ang mga mensahe at luha ng pakikiramay sa ikalawang gabi ng wake ng yumaong Movie Queen na si Ms. Susan Roces sa Heritage Memorial Park, Taguig City.


That night ay parang pa-tribute kay Ms. Susan ng mga kasamahan niyang artista sa FPJ’s Ang Probinsyano na huling teleseryeng ginawa ng ina ni Senator Grace Poe.


Naka-post sa Facebook page ni Sen. Grace ang mga larawan ng Ang Probinsyano cast sa wake ng kanyang ina.

“Sinariwa ng Ang Probinsyano family ang masasayang alaala at mga aral mula kay Lola Flora sa kanilang luksang parangal. Maraming salamat sa ABS-CBN at Ang Probinsyano sa pagbibigay ng pagkakataon sa aking ina na maipagpatuloy ang trabahong mahal niya at manatiling bahagi ng buhay ng mga manonood na Pilipino,” caption sa FB post ni Sen. Grace.

Almost complete ang mga dumating na artistang kasama ni Ms. Susan sa Ang Probinsyano magmula kay Coco Martin hanggang kay Megastar Sharon Cuneta. May mga kumanta gaya ni John Arcilla at may nagbigay ng kanilang mensahe gaya nina Coco at Sharon.


Sa mensahe ni Mega ay inamin niya that she’s still mourning dahil two weeks ago lang ay namatay ang isa sa kanyang mga best friends na si Fanny Serrano.

“Nalulungkot ako dahil isang poste na naman sa industry ang nawala. Kumbaga sa Star Wars, eto ‘yung 'Last of the Jedi Nights.' Uhm, siguro po, marami ang hindi nakakaalam ng aming history ng pamilya Poe. Nu’ng ipinanganak ko po si KC (Concepcion) noong 1985, uh, naging ninong po niya si Tito Ronnie (Fernando Poe, Jr.). Tapos, hindi pa kami magkaibigan noon. Siyempre, darating ang hari. But, he was just the humblest, most humble person I met,” kuwento ni Mega.


Nu’ng 1988 ay nakatrabaho ni Sharon si Ms. Susan sa pelikulang Buy One, Take One. Pero naging close raw si Sharon with Ms. Susan nu’ng gumawa sila ng movie ni FPJ, ang Maging Sino Ka Man. Pero malungkot na ikinuwento ni Sharon na hindi na niya nakita at nakasama si Ms. Susan sa set ng Ang Probinsyano.


Shinare naman ni Coco sa kanyang pa-tribute kay Ms. Susan ang mga natutunan niya sa Movie Queen.

“Hindi po niya ipinaramdam sa amin na siya po ang Queen of the Philippine Cinema. Siya po ang asawa ng Hari ng Pelikulang Pilipino. Ang ipinaramdam po niya sa amin ay isang pamilya at lola po naming lahat. Hanggang sa naging komportable po ako sa kanya. Halos maya’t maya, nandoon po 'ko sa kuwarto niya, nakikipagkuwentuhan,” pahayag ni Coco.

Isa nga raw sa mga napag-usapan nila ni Ms. Susan ang pagiging mahiyain niya at 'di mapalagay kapag may nakikita na siya na nag-uusap in English.

“Pero isa lang po ang inilapit ko sa kanya. Kasi po, nakikita niya na hindi ako komportable bilang artista. Kasi sinasabi ko kapag nakakita na ako ng medyo sosyal, ‘pag nakikita ko na nag-iinglesan na, para akong natyotyope. Kasi nga po, alam naman ng lahat ‘yun na hindi talaga ako marunong mag-Ingles,” sabay tawa ni Coco.

Kaya sinabihan daw siya ng kanyang “Lola Susan", hindi importante ang pag-i-Ingles at ‘di ‘yun batayan para respetuhin ka ng tao.

“Ang importante ay marunong kang humarap sa tao na may dignidad. Ang importante ay totoo ang sinasabi mo at nasa puso mo. Ang mas mahirap ay ‘yung hindi ka marunong mag-Tagalog dahil nasa Pilipinas ka. Hindi ka magkakapera. At naniwala po ako doon. Kaya po simula noon, naging sobrang tight kami. Kung meron akong baon na luto ng lola ko, dadalhan ko po siya. Siya, dadalhan niya rin po ako.


“Siya po ang nagturo sa akin ng hard work. At ang hinding-hindi ko po malilimutan na itinuro sa akin ni Tita Susan ay mahalin ang kumpanya na pinagtatrabahuhan ko. Dahil ‘yung kumpanya na pinagtatrabahuhan namin ay ang nagbibigay ng trabaho sa maraming tao. Siguro po, dahil isa rin siyang producer kaya alam niya ‘yung pakiramdam na dapat suklian mo ‘yung ibinibigay sa ‘yo. At ‘yung pakikipagkapwa-tao mo sa kapwa artista mo, maliit man ‘yan o maging superstar man ‘yan, dapat ay pantay-pantay. ‘Yun po ang itinuro na values sa amin ni Tita Susan,” pahayag pa ni Coco.


Pinasalamatan ni Sen. Grace ang pamilya ng Ang Probinsyano. Sa tingin daw kasi ni Sen. Grace ay pinahaba nila ang buhay ni Ms. Susan.

“Dahil nu’ng namayapa si FPJ, talagang malungkot na siya, eh. Pero ayaw naman niya sigurong ipakita ang kanyang kahinaan dahil alam niya, lahat kami, nakadepende sa kanyang lakas. Pero nakikita ko na tuwing magkakaroon ng taping, doon siya nabubuhayan. Masayang-masaya siya na kasama kayo. Kaya po ako, ‘pag nagtatampo sa ‘yo (si Ms. Susan), isa lang ang ibig sabihin noon, mahalaga ka sa kanya. Kasi siya, ‘pag wala kang halaga sa kanya, wala kang epekto sa kanya,” lahad ni Sen. Grace.

Inulit niya ang binanggit ni Jaime Fabregas nu’ng nagkakuwentuhan sila ni Ms. Susan when Sen. Grace asked her mom kung bakit pa ito nagtatrabaho.

“Kasi, aminin na natin na sa industriya, marami ring mga hamon. Kahit masaya siya, siyempre, nakakaramdam na siya ng pagod. Minsan, matagal maghintay, ganoon talaga. But ‘yung mga ganu'n na naiinis ka na, pero gusto mo pa naman, so minsan, naiinis na rin ako. Sinabi ko sa kanya, ‘Why are you still doing this? Huwag ka nang magtrabaho. You don’t really need to.’ 'Hindi, ganito, ganyan.' Alam ko naman kasi gusto niya.

“So, nu’ng nagkaroon ng pandemic, in the first few months, she was actually happy about it because that was the first time in her life siguro that she didn’t feel an obligation to do something and to work. Remember, she’s been working since she’s 14 years old. So, she’s always compelled to do something. Eh, pandemic. So, nasa bahay lang siya. Nagligpit siya, kung anu-ano ang ginawa niya. Pero sa tingin ko, nalungkot siya na hindi siya makatrabaho. Hindi niya nakasama ang mga katrabaho niya.

“To the point na, sasabihin ko na ‘to, tinawagan ko na si Cory (Vidanes, ABS-CBN executive). Sabi ko, ‘Cory, I think you have to get my mom to work again.' Na ako’ng nagsasabi na huwag nang magtrabaho, ako na mismo ang nagsabi na kailangan i-schedule siya. Kasi nakita ko talaga, humina at lumungkot. So, sa mga kasama niya sa trabaho, lahat kayo ay naging napakahalaga sa kanya. Kaya siya nagdadala ng pagkain kasi she likes to see that she can make you happy,” pagri-reveal ni Sen. Grace.

Inanunsiyo rin kahapon sa FB page ni Sen. Grace na hanggang sa Wednesday, May 25, ang public viewing sa wake ni Ms. Susan.

Taos-pusong pakikiramay po sa pamilya ni Sen. Grace.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page