COC filing para sa barangay at SK elections sa Oktubre 6-13 – Comelec
ni Lolet Abania | September 4, 2022

Ipinahayag ni Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia na ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ay nakatakda mula Oktubre 6 hanggang 13, sa kabila ng mga panawagan ng pagpapaliban ng eleksyon nito.
Gayunman, walang nakaiskedyul na COC filing sa Oktubre 9, base sa calendar of activities ng Comelec para sa BSKE elections sa Disyembre 5, 2022.
Anang opisyal, ang election period ay magsisimula sa Oktubre 6 hanggang Disyembre 12, kung saan ito rin ang panahong itinakda para sa Comelec gun ban.
“‘Yung gun ban, papasok na rin po sa October 6 na ‘yan. Sa kaalaman ng lahat, ‘yung mga nakakuha ng gun ban exemption nu’ng 2022, aming nilalatag na ‘yung exemption na ‘yun ay carried over na hanggang dito para sa BSKE elections,” saad ni Garcia sa isang radio interview ngayong Linggo.
Samantala, ang magsisimula naman ang campaign period sa Nobyembre 25 hanggang Disyembre 3.
Ayon kay Garcia, sakaling matuloy ang December 5 BSKE elections, ang casting ng mga ballots ay magsisimula ng alas-7:00 umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Sa Enero 4, 2023, ang huling araw naman ng pagpa-file ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE).
Matatandaan na noong nakaraang buwan, ang House Suffrage and Electoral Reforms committee ay bumoto para ipagpaliban ang BSKE at gawing Disyembre 4, 2023.
Una nang sinabi ni Garcia sa House Suffrage and Electoral Reforms panel na ang postponement ng BSKE ay nangangahulugan ng additional cost para sa gobyerno, kung saan ang pag-urong ng barangay at SK elections sa mga susunod pang petsa ay mag-aatas sa poll body upang muling magbukas ng registration para sa mga bagong botante.
Sinabi naman ni Garcia na habang naghihintay ng pinal na desisyon hinggil sa usapin, ang kanilang mga preparasyon at procurement ng election paraphernalia ay nagpapatuloy.





Comments