Coach Spoelstra, uminit ang ulo sa Heat, sinamantala ng Warriors
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 25, 2022

Bihira magalit si kabayan Coach Erik Spoelstra subalit hindi napigilan niyang maglabas ng emosyon sa 118-104 panalo ng bisitang Golden State Warriors sa Miami Heat sa NBA kahapon sa FTX Arena. Umagaw ng pansin sa mahusay na laro ng kulang na Warriors ang pagtatalo ni Coach Spoelstra at mga beteranong sina Jimmy Butler at Udonis Haslem habang timeout noong 3rd quarter.
Kahit wala sina Stephen Curry, Klay Thompson at Draymond Green ay tabla ang laban sa 50-50 matapos ang first half at binuksan ng Warriors ang 3rd quarter sa pagbuhos ng 19 sunod-sunod na puntos upang lumayo, 69-50. Biglang kinailangan na awatin si Coach at mga manlalaro subalit tila nagsilbi itong hudyat para humabol ang Heat at agawin ang lamang sa simula ng fourth quarter matapos ang magkasunod na shoot nina Dewayne Dedmon at Kyle Lowry, 84-81.
Iyan na ang huling hirit ng Miami at tuluyang iniwanan sila ng Warriors. Bumanat ng husto si Jordan Poole para sa 30 puntos habang tig-22 puntos sina Andrew Wiggins, Damion Lee at Jonathan Kuminga.
Hawak pa rin ng Miami ang solong liderato ng Eastern Conference sa kartadang 47-26 subalit nagbabanta ang Boston Celtics na nagtagumpay sa Utah Jazz, 125-9. Parehong nagsumite ng tig-26 puntos sina Jayson Tatum at Jaylen Brown para sa kanilang ika-5 sunod at umakyat sa 46-28.
Hindi nangyari ang inaabangang pagharap ng dalawang pinakamataas pumuntos sa NBA na sina Joel Embiid at ang lumiban na si LeBron James at nahirapan ang Philadelphia 76ers bago tuluyang nanaig sa kulang na Los Angeles Lakers, 126-121, sa likod ng 30 puntos at 10 rebound ni Embiid. Bumalik ang 76ers sa tabla kasama ang Milwaukee Bucks para sa 2nd place sa East na 45-27 at ibinalik ang Boston sa 4th place.





Comments