ni VA @Sports | August 12, 2024
Naging makasaysayan at makahulugan ang ika-isandaang taong pagkampanya ng Pilipinas sa nakaraang 2024 Paris Olympics dahil dito naitala ng delegasyon ng ating bansa ang itinuturing na pinakamatagumpay na pagtatapos ng partisipasyon ng mga Filipinong atleta sa Summer Games.
Sa closing ceremony, magarbo ang naging palabas partikular na ang pagpapasa ng hosting rights ng France sa USA na magsisilbing host ng 2028 Olympic Games sa Los Angeles, California.
Naroon sa programa si Tom Cruise kung saan isang Hollywood-inspired program ang masisilayan ng buong mundo. Mala-mission impossible na stunt ang ipinakita ni Hollywood superstar Tom Cruise sa 2024 Paris Olympics closing ceremony kung saan siya lumundag mula sa mataas na bahagi ng France National stadium, kinuha ang Olympic flag, isinakay sa motorsiklo patungo sa eroplano pahatid sa Los Angeles, U.S.A. (bilang next host ng Olimpiyada sa 2028) at nag-parachute pababa ng Hollywood para ihatid ng nagbibisikleta sa L.A. Coliseum at tinanggap ni legendary runner Michael Johnson ang bandila.
Sa pangunguna ng gymnast na si Carlos Edriel Yulo at boxer na si Aira Villegas ay nagsilbi silang flag bearer sa 22-kataong Centennial Team kahapon ng madaling araw kasama si Nesthy Petecio. Ang 24-anyos na si Yulo ang unang Olympic double gold medalist at unang multiple medal winner sa isang edisyon ng Olympic Games. Dahil dito ay naitala rin ng bansa ang pinakamataas na pagtatapos sa Olympics bukod pa sa pagiging best performing Southeast Asian nation sa dalawang sunod na edisyon.
Bagamat bigong umabot ng podium, nagtala rin ng kahanga-hangang performances ang iba pang miyembro ng Team Philippines gaya nina pole vaulter EJ Obiena at golfer Bianca Pagdanganan na muntik ng nagwagi ng medalya makaraang tumapos na pang-apat sa kani-kanilang events. Naging unang babaeng kinatawan naman ng Pilipinas sa fencing si Samantha Catantan gayundin si Joanie Delgaco sa rowing.
Commentaires