top of page
Search
  • BULGAR

Clemency para sa mga PDLs, positibong maibibigay – PAO chief

ni Lolet Abania | September 12, 2022



Ipinahayag ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Rueda Acosta na positibo siyang may magandang resulta tungkol sa listahan ng 300 persons deprived of liberty (PDLs) na isusumite para sa pagbibigay ng clemency.


Una nang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na balak nilang isumite ang listahan sa Office of the Executive Secretary sa Setyembre 13, kasabay ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


“Very optimistic po tayo na magkakaroon ng magandang balita at aksyon sa araw ng bukas,” saad ni Acosta sa isang public briefing hinggil sa usapin ngayong Lunes.


Ayon kay Acosta, makikipagpulong siya kay Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gerald Bantag at sa Board of Pardons and Parole (BPP) ngayong Lunes ng hapon upang talakayin at i-finalize na ang listahan ng mga PDLs.


Gayunman, sinabi ng PAO chief na hindi niya nais na ma-preempt ang desisyon ni Pangulong Marcos at ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla.


“Pero ako po ay buong pusong naniniwala at sumasampalataya na bukas po ay may magandang umaga ang bansang Pilipinas sapagkat makikita ang pag-aksyon ng gobyerno sa mga taong dapat damayan at tulungan,” pahayag ni Acosta.


Una na ring iginiit ng DOJ na ang naturang listahan ay rekomendasyon lamang at ang pinal na desisyon ay manggagaling sa Office of the President at sa Office of the Executive Secretary.


Hinimok naman ni Acosta na tanggapin ng mga naghain ng reklamo laban sa mga PDLs ang posibleng clemency.


“Merong mga… magaganap na dapat tanggapin din nu’ng mga nagreklamo dahil kung matagal na sa kulungan, matanda na, may sakit na, at matagal na nakapagsilbi, ay dapat po magkaroon na ng kapatawaran,” sabi pa ni Acosta.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page