Clearing ops sa Caloocan at Malabon cemeteries, ikinasa – MMDA
ni Lolet Abania | October 24, 2022

Nagsagawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Lunes ng clearing operations sa kahabaan ng mga lansangan patungo sa dalawang sementeryo sa mga Lungsod ng Caloocan at Malabon bago pa ang Undas o All Saints’ Day.
Sa isang report ng GMA News, nagkasa ang mga MMDA personnel ng clearing operations sa Tugatog Public Cemetery sa Malabon at Sangandaan Cemetery sa Caloocan.
Ayon kay MMDA Task Force Special Operations chief Bong Nebrija, imo-monitor nila ang mga sementeryo araw-araw hanggang sa Undas para masigurong maluwag ang mga kalsada at walang nangyayaring illegal parking at mga illegal vendors.
Sinimulan na rin nila ang pagtatanggal ng mga obstructions sa mga sidewalks at pinaaalis na ang mga vendors na nagtitinda sa mga kalsada.
Karamihan sa mga pinagmultang indibidwal ng mga law enforcers ay dahil sa illegal parking. Multang P1,000 ang ipapatupad sa mga mahuhuling violators.
Isang sasakyan ng Caloocan City Disaster Risk Reduction Office (CDRRMO), kung saan naka-park sa ilalim ng ‘No Parking sign’ sa tabi ng Sangandaan Cemetery, ang nabatak o na-towed din.
Bukod sa mga sementeryo, ayon sa MMDA, mag-iinspeksyon din sila sa mga bus terminals.
Ipagpapatuloy naman nila ang road clearing operations kahit pa natapos na ang holiday para tulungan ang mga babalik na sa Metro Manila na nanggaling sa kanilang mga probinsiya.
Samantala, ang Quezon City Police District (QCPD) ay gagamit ng mga drones para i-monitor ang sitwasyon sa limang sementeryo sa lungsod.
Dalawang drones ang ilalaan kada sementeryo at gagawing integrated sa patrol operations ng QCPD.
Habang ang footage ng mga drone cameras ay magiging streamed live sa command center nito.





Comments