Clarkson, tuloy ang bagsik; Spurs, na-COVID na naman

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 17, 2021

Sila na nga kaya ang sasalang para sa korona ng NBA ngayong taon? Nagpasikat ng todo si Pinoy pride Jordan Clarkson sa 134-123 panalo ng Utah Jazz sa Philadelphia 76ers sa tapatan ng dalawang koponan na hawak ang liderato ng Western at Eastern Conference kahapon sa Vivint Arena.
Walang nakapigil kay Clarkson na ipinasok ang walong tres tungo sa 40 puntos sa loob ng 29 minuto, ang pinakamarami niya sa dalawang taong suot ang uniporme ng Jazz. Ang pinakamataas sa kanyang 7 taon sa NBA ay 42 kontra sa Brooklyn Nets noong Pebrero 13, 2019 nang siya ay nasa Cleveland Cavaliers.
Naging 121-112 ang iskor matapos ang huling tres ni Clarkson at pinahinga na siya ni Coach Quin Snyder sa huling 5 minuto at inalalayan ng mga kakampi ang lamang. Nag-ambag sina Donovan Mitchell at Joe Ingles ng 24 at 20 puntos para sa ika-8 sunod na panalo at kartadang 23-5.
Samantala, kanselado ang laro ng San Antonio Spurs (16-11) sa Detroit Pistons (8-19) ngayong araw matapos may nagpositibo sa COVID-19 sa Spurs. Kasabay ito ng mga ulat na planong hindi muna palaruin ng Pistons ang superstar na si Blake Griffin habang hahanapan siya ng maaaring lipatang koponan. Ngayon din ang huling araw para bumoto sa 2021 NBA All-Stars. Bumisita lang sa NBA.com o sa Twitter.com/NBA at sundin ang mga panuto.
Sa ibang mga laro, gumawa si Julius Randle ng 44 puntos upang maging susi sa 123-112 tagumpay ng New York Knicks sa Atlanta Hawks. Tumulong si RJ Barrett sa 16 puntos para sa kartadang 14-15.
Nagtala ng triple double si James Harden na 29 puntos, sa 136-125 panalo ng Brooklyn Nets sa Sacramento Kings. Nagdagdag ng 40 puntos si Kyrie Irving habang wala si Kevin Durant dahil sa masakit na hita.
Kulang din ang Los Angeles Clippers subalit nilampasan nila ang hamon ng Miami Heat, 125-118. Namuno si Marcus Morris Sr. at Ivica Zubac na may 32 at 22 puntos habang hinihintay ang paghilom ng pilay nina Kawhi Leonard at Paul George. Tinambakan ng Golden State Warriors ang Cleveland Cavaliers, 129-98. Nagsabog ng 36 puntos si Stephen Curry galing sa pitong tres sa 30 minuto at sinundan ni Andrew Wiggins na may 15 puntos.
Bumida sina Garrett Temple, Denzel Valentine at Zach LaVine sa overtime upang ipanalo ang Chicago Bulls sa Indiana Pacers, 120-112. Nagtapos si LaVine na may 30 puntos. Nanalo ng dalawang sunod na beses ang Washington Wizards matapos pigilin ang bisitang Houston Rockets, 131-119. Nagsabog ng 37 puntos si Bradley Beal.





Comments