Clarkson, tinambakan si Curry, T'Blazers, lusot sa Lakers
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 11, 2022

Kinalimutan ng Utah Jazz ang mabagal na simula at tinambakan ang bisitang Golden State Warriors, 111-85, sa tapatan sa NBA kahapon mula sa Vivint Arena. Ang mahusay na laro ni Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at ng mga reserba ang bumuhay sa Jazz sa 34-21 panalo-talo.
Bumanat agad ang Warriors sa 13-0 nang buksan ang laro subalit agad kumilos ang Jazz.
Nanlamig ang GSW at umabot ng 25 ang lamang ng Utah, 92-67, eksaktong pag-upo sa bench ni Stephen Curry at pinanood na lang siyam na sunod-sunod na tagumpay ng koponan.
Bumida sa Jazz sina Bojan Bogdanovic na may 23 at Donovan Mitchell na may 14 habang tig-13 puntos sina Clarkson at Mike Conley Jr. Nagtapos na may 16 puntos si Curry. Ipinasok ni Anfernee Simons ang huling 8 puntos ng Portland Trail Blazers upang malusutan ang Los Angeles Lakers, 107-105. Lamang lang ng isa ang Blazers, 99-98, at iyon ang hudyat para sa dalawang 3-points ni Simons.
Pumukol ng limang tres si Simons para sa 29 puntos at sinundan ni Jusuf Nurkic na may 19 puntos. Sa East Conference, lumapit ang Chicago Bulls at Cleveland Cavaliers sa isang laro ang agwat sa Miami Heat para sa liderato ng lalong humigpit na karera. Wagi ang Bulls sa Charlotte Hornets, 121-109, habang pinigil ng Cavs ang bisitang San Antonio Spurs, 105-92.
Umarangkada ang Bulls sa second half sa likod ni DeMar DeRozan at Zach LaVine.
Nagtapos na may 36 puntos si DeRozan at 27 si LaVine. Ipinakita muli ni Darius Garland kung bakit napili siyang bagong All-Star at nagbagsak ng 27 puntos at tinulungan ni rookie Evan Mobley na may 18 puntos. Gumawa ng 16 puntos ang All-Star ng Spurs na si Dejounte Murray.





Comments