Clarkson, solo bida sa Jazz, Curry bigo sa balik-aksiyon
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 12, 2023

Napunta kay Pinoy pride Jordan Clarkson ang huling halakhak at mag-isa niyang binuhat ang Utah Jazz sa 116-114 panalo sa bisitang Cleveland Cavaliers sa tampok na laro sa NBA kahapon. Bumalik si Donovan Mitchell sa unang pagkakataon sa Vivint Arena bilang bisita sa naging tahanan sa unang limang taon niya sa liga.
Naka-shoot si Mitchell upang palakihin sa 107-102 ang lamang ng Cavs papasok sa huling 3 minuto. Biglang lumiyab si Clarkson simula sa bihirang 4-point play na sinundan ng tatlong free throw at isang tres, 111-107 at 40 segundo sa orasan.
Mula roon ay priniserba ng mga free throw nina Malik Beasley, Lauri Markkanen at Nickeil Alexander-Walker ang panalo. Tinuldukan ni Mitchell ang laro sa isang 3-points sabay ubos ng oras sa ika-46 puntos subalit hindi ito sumapat. Bumida si Clarkson na may 15 ng kanyang 32 puntos sa 4th quarter. Sumunod si Markkanen, isa sa mga naging kapalit ni Mitchell sa transaksyon noong Setyembre na may 25 puntos at 16 rebound.
Bumalik sa aksiyon si Stephen Curry matapos mawala ng 11 laro dahil sa pilay na balikat ngunit tinalo nina Damion Lee at bisitang Phoenix Suns ang World Champion Golden State Warriors, 125-113. Bago ang laro ay iginawad ni Curry ang singsing kay Lee bilang bahagi ng 2022 kampeonato at tuluyang nagsabog ng 22 puntos bilang reserba ang asawa ng kanyang kapatid Sydel.
Samantala, binuo ni Jimmy Butler ang 3-point play na may 12.9 segundo sa orasan upang ibigay ang 112-111 tagumpay ng Miami Heat sa Oklahoma City Thunder.
Nagtapos si Butler na may 35 puntos at walang sablay ang Miami sa 40 free throw kabilang ang 23 ni Butler.
Winakasan ng Los Angeles Clippers ang kanilang anim na sunod na talo at nagising kontra Dallas Mavericks, 113-101.





Comments