Clarkson ng NY Knicks wagi vs. Harper ng Spurs
- BULGAR

- Jun 5
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | June 5, 2026

Photo: Ang maaksiyong laban ni kabayan Jordan Clarkson ng New York Knicks kontra San Antonio Spurs sa game 1 NBA finals kahapon. (northjersey.com)
Laro sa Sabado - Frost Bank
8:30 AM NY vs. SA
Pinoy laban sa Pinoy! Nanaig si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at New York Knicks laban kay kabayan Dylan Harper at San Antonio Spurs, 105-95 sa simula ng 2026 NBA Finals Game 1 kahapon sa Frost Bank Center.
Lamang ang Spurs papasok sa huling dalawang minuto, 95-94, subalit hindi na sila pumuntos. Bumira ng three-points si Jalen Brunson upang maagaw ang bentahe at sinamahan nina Mikal Bridges at OG Anunoby para sa 10 walang sagot na puntos para wakasan ang unang laro sa seryeng best-of-seven.
Sinayang ng Spurs ang 65-51 lamang sa pangatlong quarter matapos ang tres ni Harper. Humabol ang NY sa pangunguna nina Brunson at Karl-Anthony Towns para tumabla, 76-76, at maghanda para sa matinding huling quarter.
Nagtala ng 13 ng kanyang 30 sa huling quarter si Brunson. Double-double si KAT na 18 at 12 rebounds habang sumuporta si Anunoby na may 12 ng kanyang 17 sa huling quarter din.
Nanguna sa Spurs sina Victor Wembanyama na 26 at 12 rebounds at Stephon Castle na may 17. Nagtapos na may 16 si Harper bilang reserba pero kahit walang puntos si Clarkson ay napunta sa kanyang koponan ang mahalagang tagumpay.
Ito ang pangatlong panalo ng NY sa SA ngayong taon. Nakamit ng Knicks ang 2025 NBA Cup kontra sa Spurs, 124-113, sa Las Vegas noong Disyembre 16.
Naghati sila sa dalawang laro sa regular season kung saan nanaig sa 133-132 ang Spurs noong Disyembre 31. Bumawi ang Knicks, 114-89 noong Marso 1.
Magpapatuloy ang serye sa Sabado sa Frost Bank muli. Lilipat ang mga laro sa Madison Square Garden para sa dalawang laro sa Hunyo 9 at 11.





Comments