top of page
Search
  • BULGAR

Clarkson kinapos sa tikas ni Vucevic ng Montenegro

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 22, 2023



Hindi sumapat ang mainit na shooting ni Jordan Clarkson at binigo ng bisitang Montenegro ang Gilas Pilipinas, 102-87, sa kanilang pribadong ensayo Linggo ng gabi sa Philsports Arena. May isa pang nakatakdang laro ang mga Pinoy kontra Mexico bago ang opisyal na pagsabak sa FIBA World Cup sa Biyernes.


Humataw para sa 10 sunod na puntos ang Gilas upang lumamang sa unang quarter, 19-11, subalit malaking bagay ang marami nilang error na agad nagresulta ng madaling puntos para sa mga Montenegro. Lumobo sa 90-70 ang bentahe ng Montenegro nang maaga sa huling quarter.


Humugot ng lakas ang Montenegro kay Nikola Vucevic, ang sentro ng Chicago Bulls na may 18 puntos at 9 na rebound at sinundan ni kapitan Bojan Dubljevic na may 16 puntos. Maglalaro ang Montenegro sa Grupo D laban sa Mexico, Ehipto at Lithuania sa MOA Arena.


Nagtapos si Clarkson na may 27 puntos at sina June Mar Fajardo na may 19 at Dwight Ramos na may 13 ang tanging kakampi na may higit 10 puntos. Pareho pa rin ang unang lima ni Coach Reyes na sina Clarkson, Ramos, AJ Edu, Japeth Aguilar at Roger Pogoy.


Iba ang kwento ng U.S.A. laban sa mga Aleman at kinailangang humabol mula sa 16 puntos ang mga Amerikano upang panatilihing perpekto ang kanilang kartada. Mainit pa rin si Edwards sa kanyang 34 puntos habang tig-16 ang mga reserba Tyrese Haliburton at Reaves.


Maglalaro ang Alemanya sa Grupo E kasama ang co-host Japan, Australia at Finland sa Okinawa. Nasa listahan nila ang mga kasalukuyang NBA player Dennis Schroder, Daniel Theis at magkapatid Moe at Franz Wagner habang may karanasan sa liga si Isaac Bonga.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page