top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Christmas gift, ibinigay sa mga bata ni P-BBM

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 4, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | December 4, 2022



Daan-daang mga bata ang nakatanggap ng mga pamaskong regalo mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Malacañang, ngayong Linggo ng umaga.


May temang “Balik Sigla, Bigay Saya,” pinangunahan ng Punong Ehekutibo ang nationwide gift giving activity sa Kalayaan Grounds sa Malacañan Palace, kasama si First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos.


Nasa tinatayang 600 mga bata na naninirahan sa mga komunidad sa paligid ng Malacañang complex sa San Miguel, Manila ang lumahok sa nasabing event.


Sa kanyang speech, binati ni Pangulong Marcos ang mga bata ng Maligayang Pasko, na aniya isinagawa ang naturang okasyon para masiguro na bawat bata ay makararanas ng selebrasyon ng Kapaskuhan.


“Napakasaya talaga at hindi kumpleto ang kahit anong Pasko kung hindi natin nakikita ang ngiti at tuwa ng ating mga anak, ang ating mga apo, ang ating mga kabataan,” saad ng Pangulo.


“This is a very, very happy day for me dahil tradisyon ito dati pa, dito sa Palasyo. Gumagawa kami ng children’s party ‘pag Pasko para naman lahat nakasiguro tayo lahat ng ating kabataan sa buong Pilipinas ay merong Pasko, may konting party, may konting gift-giving, may konting palaro, at lahat ‘yan,” dagdag ni P-BBM.


Sabay-sabay na ginanap ang gift giving activity sa humigit-kumulang 40 lokasyon sa buong bansa.


Ang mga regalo o gifts na natanggap ng mga bata ay ipinagkaloob ng mga private businesses, at government agencies kabilang na ang Office of the President (OP), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).


Makikita rin sa Malacañang grounds na may mga inflatables at iba pang entertainment activities para sa mga bata na nai-set up para sila ay makapaglaro nang husto.


Umawit din sa okasyon ang mga bata ng “O Holy Night” habang sinamahan sila nina Pangulong Marcos at First Lady Liza.


Nitong Sabado, pinangunahan naman ng Pangulo ang Christmas tree lighting ceremony na ginanap din sa Malacañang, kung saan nabanggit niyang ang mga Pilipino ay nananatiling pinagpala sa kabila ng kahirapan na hinarap ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page