China, kampeon sa AFC Cup; hahasain pa ang Filipinas
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 08, 2022

Nagkampeon sa ika-siyam na beses ang Tsina sa pagtatapos ng 2022 AFC Women’s Asian Cup India noong Linggo ng gabi sa DY Patil Stadium ng Navi Mumbai. Humabol ang Steel Roses at ipinasok ang tatlong magkasunod goal sa second half upang matalo ang Timog Korea, 3-2.
Nakuha ng Vietnam ang 5th at huling tiket sa 2023 FIFA Women’s World Cup matapos talunin ang Chinese-Taipei, 2-1, at walisin ang repechage. Kahit bigo, may pagkakataon pa rin ang Chinese-Taipei at Thailand na mapabilang sa tatlong huling makakalaro sa World Cup sa Inter-Confederation Playoffs kontra sa walong iba pang mga bansa galing Aprika, Oceania, Europa at Hilaga at Timog Amerika na gaganapin sa Pebrero, 2023.
Samantala, itinuturing ni Coach Alen Stajcic na ang paghawak sa Philippine Women’s Football National Team ang pinaka hindi makakalimutang karanasan sa mahigit dalawang dekadang pagtuturo ng Football. Magsisimula ang pagbilang ng araw kung babalik siya o hindi matapos mapaso ang kontrata sa pagtatapos ng Asian Cup.
Nagpapahinga sa Australia si Coach Stajcic kasama ng pamilya matapos ang apat na buwan. Inaasahan na magsisimula ang negosasyon matapos ang dalawang linggo at gagawin ng Philippine Football Federation (PFF) ni team manager Jefferson Cheng ang lahat para makuha ang kanyang lagda.
Kahit wala pang bagong kontrata, itinalakay niya ang mga maaaring maging paghahanda ng Pilipinas sa pagsabak sa FIFA Women’s World Cup na gaganapin sa Australia at New Zealand simula Hulyo 20 hanggang Agosto 20, 2023. Kasama ang paglahok sa mga torneo ng SEA Games sa Mayo, AFF Women’s Championship sa Hulyo at Asian Games sa Setyembre.
Ayon kay beterana at bise-kapitana Hali Long, mahalaga na ipakita ng Pilipinas na karapat-dapat sa pinakamalaking torneo. Hindi pa tiyak kung babalik ang 23 na naglaro sa Asian Cup subalit asahan na magiging mas matindi ang kompetisyon. .
Kumpara sa India na walang ginawa kundi maglaro araw-araw, karamihan ng mga Pinay ay hati ang panahon sa pag-aaral o trabaho. Dahil dito, mahalaga na palakasin ang PFF Women’s League upang mas mahasa sa opisyal na laro.





Comments