top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Chestnut, kampeon sa pamosong Hotdog Eating Contest sa N.Y.

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 6, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 6, 2023




Kahit umuulan at kumikidlat, walang nakapigil kay Joey Chestnut sa kanyang koronasyon bilang kampeon ng taunang Nathan’s Famous International Hotdog Eating Contest sa ika-16 pagkakataon noong Hulyo 4 sa New York City. Inubos niya ang 62 hotdog at tinapay sa 10 minuto upang mauwi muli ang dilaw na sinturon na sagisag ng kanyang tagumpay.


Malayong pangalawa si Geoffrey Esper na umubos ng 49 lang at James Webb ng Australia na 47. Masaya si Chestnut dahil natuloy ang paligsahan sa gitna ng masamang panahon na nagbanta na ipagpaliban ang kompetisyon sa kalalakihan.

Kilala rin sa palayaw na “Jaws”, nagsimula ang paghari ni Chestnut noong 2007 kung saan inagaw niya ang trono kay Takeru Kobayashi ng Japan na kampeon mula 2001 hanggang 2006. Mula roon, isang beses lang natalo si Chestnut noong 2015 nang ginulat siya ni Matt Stonie, 62-60, subalit nabawi niya ito sa sumunod na taon at hindi na binitawan.


Ginanap muna ang kompetisyon ng kababaihan at wagi sa pangatlong sunod na taon at kabuuang ika-siyam si Miki Sudo na kumain ng 39 at kalahati sa 10 minuto. Pumangalawa si Mayoi Ebihara ng Japan (33.50) at pumangatlo si 2021 champion Michelle Lesco (24.25).


Hindi nadepensahan ni Sudo ang titulo noong 2021 dahil siya ay buntis kaya nagwagi noon si Lesco. Maliban kay Sudo, tanging si Sonya Thomas ang may tatlong kampeonato mula 2011 hanggang 2013 na unang tatlong taon na hiniwalay ang labanan ng mga babae sa lalake.


Malayo ang resulta ngayong taon sa mga record na parehong hawak ng mga kampeon subalit sapat na ito para mauwi ang $10,000 (P554,410) bawat isa. Naubos ni Chestnut ang 76 noong 2021 habang naka 48 at kalahati si Sudo noong 2020.


Ang taunang paligsahan ay ginaganap sa gabay ng Major League Eating (MLE). Lahat ng mga kalahok ay nakapirma ng kontrata sa MLE gaya ng mga karaniwang atletang propesyunal.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page